Add parallel Print Page Options

Pitong Anghel na may Pitong Salot

15 At nakita ko ang isa pang dakila at kamangha-manghang tanda sa langit. Pitong anghel ang may pitong huling salot. Ang poot ng Diyos ay malulubos sa kanila.

At nakita ko ang isang bagay na katulad ng isang dagat na kristal at ito ay may kahalong apoy. Ang mga nagtagumpay sa mabangis na hayop ay nakatayo sa ibabaw ng dagat na kristal. Taglay nila ang mga kudyapi ng Diyos sa kanilang mga kamay. Sila ang mga nagtagumpay sa larawan ng mabangis na hayop at sa tatak nito at sa bilang ng pangalan nito. Inaawit nila ang awit ni Moises na alipin ng Diyos at ang awit ng Kordero. Sinabi nila:

Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat, ang iyong mga gawa ay dakila at kamangha-mangha. Ikaw na Hari ng mga banal, ang iyong mga daan ay matuwid at totoo.

Panginoon, sino ang hindi matatakot sa iyo? Sino ang hindi magbibigay luwalhati sa iyong pangalan? Sapagkat ikaw lamang ang siyang banal, dahil ang lahat ng mga bansa ay lalapit at sasamba sa harap mo sapagkat ipinakita mo ang iyong tuntunin.

Pagkatapos ng mga bagay na ito ay nakita ko. Narito, ang banal na dako ng tabernakulo ng patotoo sa langit ay nabuksan. Lumabas mula sa banal na dako ang pitong anghel na may pitong salot. Sila ay nadaramtan ng malinis at maningning na lino. Isang gintong pamigkis ang nakapaikot sa kanilang mga dibdib. Binigyan ng isa sa mga apat na buhay na nilalang ang pitong anghel ng pitong gintong mangkok. Ang mga ito ay puno ng poot ng Diyos na nabubuhay magpakailan pa man. At ang banal na dako ay napuno ng usok na mula sa kaluwalhatian ng Diyos at mula sa kaniyang kapangyarihan. Walang sinumang makakapasok sa banal na dako hanggang hindi nalulubos ang pitong mga salot ng pitong mga anghel.

Ang mga Anghel na may Huling Salot

15 Pagkatapos ay nakita ko ang isa pang tanda sa langit, kapansin-pansin at kamangha-mangha: pitong anghel na may pitong salot. Ito ang mga huling salot, sapagkat sa mga ito matatapos ang poot ng Diyos. At nakita ko ang isang tulad ng dagat na kristal na may halong apoy, at ang mga nagtagumpay laban sa halimaw at sa larawan nito at sa bilang ng pangalan nito. Sila'y nakatayo sa tabi ng dagat na kristal, at may hawak na mga alpa ng Diyos. Umaawit (A) sila ng awit ni Moises na lingkod ng Diyos, at ng awit ng Kordero:

“Dakila at kamangha-mangha ang iyong mga gawa,
    Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat!
O hari ng mga bansa,
    ang mga paraan mo'y totoo at makatarungan,
(B) Panginoon, sinong hindi matatakot
    at magpupuri sa iyong pangalan?
Sapagkat ikaw lamang ang banal.
    Darating lahat ang mga bansa
at sila'y sasamba sa iyo,
    sapagkat nahayag ang matutuwid mong kahatulan.”

Pagkatapos (C) nito'y tumingin ako, at nabuksan sa langit ang templo ng tolda ng patotoo. At lumabas mula sa templo ang pitong anghel na may pitong salot, na nakabihis ng dalisay at makinang na lino, at may mga gintong bigkis sa kanilang dibdib. Isa sa apat na buhay na nilalang ay nagbigay sa pitong anghel ng pitong gintong mangkok na puno ng poot ng Diyos, siya na nabubuhay magpakailanpaman. Ang (D) templo ay napuno ng usok mula sa kaluwalhatian ng Diyos at mula sa kanyang kapangyarihan, at walang makapasok sa templo hanggang sa matapos ang pitong salot ng pitong anghel.