Add parallel Print Page Options

Nabihag ng Lipi nina Juda at Simeon ang Hari ng Bezek

Pagkamatay ni Josue, nagtanong kay Yahweh ang mga Israelita, “Sino sa amin ang unang sasalakay sa mga Cananeo?”

“Ang lipi ni Juda ang mauuna. Ipapasakop ko sa kanila ang lupain,” sagot ni Yahweh.

Sinabi ng mga kabilang sa lipi ni Juda sa mga kabilang sa lipi ni Simeon, “Tulungan ninyo kami sa pagsakop sa lugar na nakalaan para sa amin, at pagkatapos ay tutulungan naman namin kayo sa pagsakop sa lupaing para sa inyo.” Tumulong nga ang lipi ni Simeon. Tinulungan sila ni Yahweh na matalo ang mga Cananeo at ang mga Perezeo. Umabot sa sampung libo ang napatay nila sa Bezek. Doon nila nilabanan ang hari ng Bezek, mga Cananeo at mga Perezeo. Tumakas ang hari ng Bezek ngunit hinabol nila ito, at nang mahuli ay pinutulan ng hinlalaki sa paa't kamay. Sinabi ng hari ng Bezek, “Pitumpung hari na ang naputulan ko ng hinlalaki ng paa't kamay, at pinamulot ng mumo sa ilalim ng aking mesa. Ngayo'y pinagbayad ako ng Diyos sa aking ginawa.” Dinala ito sa Jerusalem at doon namatay.

Nasakop ng Lipi ni Juda ang Jerusalem at Hebron

Ang Jerusalem ay sinalakay at nasakop ng lipi ni Juda. Pinatay nila ang mga nakatira roon at sinunog ang lunsod. Pagkatapos, nilabanan naman nila ang mga Cananeo sa mga kaburulan, sa kapatagan at sa disyerto sa katimugan. 10 Sinalakay ng lipi ng Juda ang mga Cananeong nasa Hebron, dating Lunsod ng Arba, at natalo nila sina Sesai, Ahiman at Talmai.

Nasakop ni Otniel ang Debir(A)

11 Mula sa Hebron, sinalakay naman nila ang Debir, ang dating Lunsod ng Sefer. 12 Sinabi ni Caleb, “Ang anak kong si Acsa ay ibibigay ko para maging asawa ng sinumang makakasakop sa Lunsod ng Sefer.” 13 Si Otniel na anak ni Kenaz at pamangkin ni Caleb ang nakasakop sa lunsod, kaya siya ang napangasawa ni Acsa. 14 Nang sila'y ikasal na, inutusan ni Otniel si Acsa[a] na humingi ng bukirin sa kanyang amang si Caleb. Kaya, nagpunta si Acsa kay Caleb. Pagdating doon, tinanong naman siya agad nito kung ano ang kailangan niya. 15 “Bigyan mo po sana ako ng lugar na may tubig. Ang lupang ibinigay mo sa akin ay walang mapagkukunan ng tubig,” sabi ni Acsa. At ibinigay sa kanya ni Caleb ang mga balon sa gawing itaas at ibaba.

Ang mga Tagumpay ng Lipi nina Juda at Benjamin

16 Ang angkan ni Hobab na isang Cineo, na kamag-anak ng biyenan ni Moises, ay sumama sa lipi ni Juda mula sa Jerico, ang Lunsod ng mga Palma, hanggang sa ilang ng Juda, sa timog ng Arad. Nanirahan silang kasama ng mga Amalekita.[b] 17 Ang lipi naman ni Simeon ay tinulungan ng lipi ni Juda sa pagsakop sa Lunsod ng Sefat. Winasak nila ito nang husto at pinangalanang Horma.[c] 18 Nasakop din nila ang buong Gaza, Ashkelon at Ekron. 19 Tinulungan ni Yahweh ang Juda, kaya't nasakop nila ang mga kaburulan. Ngunit hindi nila nasakop ang mga nasa kapatagan sapagkat ang mga tagaroon ay may mga karwaheng bakal. 20 At(B) tulad ng sinabi ni Moises, ibinigay nga kay Caleb ang Hebron. Pinalayas niya roon ang tatlong anak ni Anac. 21 Ang(C) mga Jebuseo namang naninirahan sa Jerusalem ay hindi pinaalis ng lipi ni Benjamin, kaya hanggang ngayo'y kasama nilang naninirahan doon ang mga ito.

Sinakop ng mga Lipi ni Jose ang Bethel

22-23 Ang lunsod naman ng Bethel na dating Luz ay sinalakay ng mga lipi ni Jose at tinulungan din sila ni Yahweh. Nagpadala muna sila roon ng mga espiya. 24 Sa daan ay may nasalubong silang isang tao mula sa lunsod. Sinabi nila rito, “Ituro mo sa amin ang pagpasok sa lunsod at gagantimpalaan ka namin.” 25 Itinuro naman nito sa kanila, at pinatay nila ang mga tagaroon maliban sa lalaking napagtanungan nila pati ang pamilya nito. 26 Pagkatapos, ang lalaking iyon ay nagpunta sa lupain ng mga Heteo at nagtayo ng isang lunsod na hanggang ngayo'y tinatawag na Luz.

Hindi Pinaalis ng mga Israelita ang mga Cananeo

27 Hindi(D) pinaalis ng lipi ni Manases ang mga naninirahan sa mga lunsod ng Beth-sean, Taanac, Dor, Ibleam, Megido at sa mga nayong sakop ng mga ito. Kaya't nanatili roon ang mga Cananeo. 28 Subalit nang maging mas makapangyarihan ang mga Israelita, hindi na nila lubusang pinaalis ang mga Cananeo ngunit sapilitan nilang pinagtrabaho ang mga ito bilang alipin.

29 Hindi(E) rin pinaalis ng lipi ni Efraim ang mga Cananeo sa lunsod ng Gezer. Sila'y sama-samang nanirahan doon.

30 Hindi pinaalis ng lipi ni Zebulun ang mga naninirahan sa mga lunsod ng Kitron at Nahalol. Sama-sama silang nanirahan doon, subalit sapilitan nilang pinagtatrabaho ang mga ito bilang mga alipin.

31 Hindi rin pinaalis ng lipi ni Asher ang mga taga-lunsod ng Acco, Sidon, Ahlab, Aczib, Helba, Afec at Rehob. 32 Sama-sama silang nanirahan doon.

33 Hindi rin pinaalis ng lipi ni Neftali ang mga taga-Beth-semes at Beth-anat. Sila'y sama-samang nanirahan doon ngunit inalipin nila ang mga tagaroon.

34 Ang lipi naman ni Dan ay napaurong ng mga Amoreo papuntang bulubundukin. Hindi sila pinayagan ng mga Amoreo na makapanirahan sa kapatagan, sa halip ay itinaboy sila sa kaburulan. 35 Hindi umalis sa Heres, Ayalon at Saalbim ang mga Amoreo, ngunit dumating ang araw na nasakop sila ng mga lipi ni Jose at inalipin sila ng mga ito. 36 Ang sakop ng mga Amoreo ay mula sa Pasong Alakdan hanggang sa Petra.

Nagpunta sa Boquim ang Anghel ni Yahweh

Mula sa Gilgal, nagpunta sa Boquim ang anghel ni Yahweh. Sinabi niya sa mga Israelita, “Inilabas ko kayo sa Egipto at dinala sa lupain na aking ipinangako sa inyong mga ninuno. Sinabi ko noon na hindi ako sisira sa ating kasunduan. Sinabi(F) ko ring huwag kayong gagawa ng kasunduan sa mga tagaroon, sa halip ay gibain ninyo ang kanilang mga altar. Ngunit ano ang inyong ginawa? Hindi ninyo ako sinunod! Kaya ngayon, hindi ko sila paaalisin sa lupaing pupuntahan ninyo. Magiging tinik sila sa inyong landas at ang mga diyus-diyosan nila ay magiging mabigat na pagsubok sa inyo.” Matapos sabihin ito ng anghel ni Yahweh, nag-iyakan ang mga Israelita. Kaya, tinawag nilang Boquim[d] ang lugar na iyon, at naghandog sila roon kay Yahweh.

Ang Pagkamatay ni Josue

6-10 Pinalakad(G) na ni Josue ang mga Israelita at kanila ngang tinirhan ang mga lupaing nakatalaga para sa kanila. Si Josue ay namatay sa edad na 110 taon at inilibing siya sa Timnat-heres, isang lugar na sakop ng kanyang lupain sa kaburulan ng Efraim, sa gawing hilaga ng Bundok Gaas. Namatay rin ang buong salinlahing kasabayan ni Josue. Naglingkod nang tapat kay Yahweh ang mga Israelita habang nabubuhay si Josue at ang mga pinunong nakasaksi sa mga kahanga-hangang bagay na ginawa ni Yahweh para sa Israel. Subalit ang sumunod na salinlahi ay nakalimot kay Yahweh at sa lahat ng ginawa niya para sa Israel.

Tumigil ang Israel sa Paglilingkod kay Yahweh

11 Ang mga Israelita ay gumawa ng kasamaan laban kay Yahweh at sumamba sila sa mga Baal. 12 Tinalikuran nila si Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno, na nagligtas sa kanila sa Egipto. Naglingkod sila at sumamba sa mga diyus-diyosan ng mga bayan sa kanilang paligid. Kaya nagalit sa kanila si Yahweh. 13 Itinakwil nila si Yahweh at naglingkod sa mga Baal at kay Astarot. 14 Dahil dito, nagalit si Yahweh sa Israel at sila'y hinayaan niyang matalo ng kaaway at samsaman ng ari-arian. 15 Tuwing makikipagdigma sila, hindi na sila tinutulungan ni Yahweh tulad ng kanyang babala. Kaya't wala silang kapanatagan.

16 Dahil dito, ang Israel ay binigyan ni Yahweh ng mga hukom na siyang magliligtas sa kanila sa kamay ng mga mananakop. 17 Ngunit hindi rin nila sinunod ang mga hukom na ito. Tinalikuran ng mga Israelita si Yahweh. Ang katapatan ng kanilang mga ninuno kay Yahweh ay hindi nila pinamarisan. 18 Lahat naman ng hukom na isinugo ni Yahweh ay pinatnubayan niya at iniligtas niya ang Israel sa mga kaaway habang nabubuhay ang hukom. Kinaawaan sila ni Yahweh dahil sa kanilang mga daing bunga ng hirap na dinaranas nila. 19 Ngunit pagkamatay ng hukom, muli na namang sumasamba sa mga diyus-diyosan ang mga Israelita. Higit pa sa kasamaan ng kanilang mga ninuno ang kanilang ginagawa; hindi nila maiwan ang kanilang masasamang gawain at katigasan ng ulo. 20 Kaya, lalong nagalit si Yahweh sa kanila. Sinabi niya, “Sumira ang mga Israelita sa kasunduang ibinigay ko sa kanilang mga ninuno. Dahil sa pagsuway nila sa akin, 21 hindi ko na palalayasin ang natitira pang Cananeo sa lupaing iniwan sa kanila ni Josue nang siya'y namatay. 22 Sa pamamagitan ng mga bansang ito, masusubok ko kung ang Israel ay susunod sa aking mga utos, tulad ng kanilang mga ninuno.” 23 Kaya, hindi agad pinaalis ni Yahweh ang mga tao sa mga lupaing hindi nasakop ng mga Israelita noong buháy pa si Josue.

Itinira ang Ibang Bayan Upang Subukin ang Israel

Hinayaan ni Yahweh na manatili sa lupain ang ilang mga bansa upang subukin ang mga Israelitang hindi nakaranas makipagdigma sa Canaan. Ginawa niya ito upang turuang makipagdigma ang lahat ng salinlahi ng Israel, lalo na ang mga walang karanasan sa digmaan. Ang mga naiwan sa lupain ay ang limang lunsod ng mga Filisteo, lahat ng lunsod ng mga Cananeo, mga taga-Sidon at mga Hivita na nanirahan sa Bundok ng Lebanon, mula sa Bundok ng Baal-hermon hanggang sa Pasong Hamat. Ginamit sila ni Yahweh upang subukin kung susunod o hindi ang mga Israelita sa mga utos na ibinigay niya sa kanilang mga ninuno sa pamamagitan ni Moises. Kaya nanirahan ang mga Israelita sa lupaing iyon kasama ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Perezeo, Hivita at Jebuseo. Pinayagan nila ang kanilang mga anak na mag-asawa ng mga tagaroon at makisama sa paglilingkod sa mga diyus-diyosan.

Si Otniel

Ang mga Israelita ay muling gumawa ng kasamaan laban sa Diyos. Tinalikuran nila si Yahweh na kanilang Diyos at sumamba sila sa mga Baal at sa mga Ashera. Dahil dito, nagalit si Yahweh sa kanila at pinabayaang masakop ni Haring Cushanrishataim ng Mesopotamia. Walong taon silang inalipin ng haring ito. Subalit nang humingi sila ng tulong kay Yahweh, ginawa niyang hukom si Otniel, anak ni Kenaz at pamangkin ni Caleb, upang ito ang magligtas sa kanila sa pagkaalipin. 10 Nilukuban siya ng Espiritu[e] ni Yahweh, at siya'y naging hukom at pinuno ng Israel. Nakipagdigma siya laban kay Cushanrishataim na hari ng Mesopotamia. Sa tulong ni Yahweh, natalo ito ni Otniel. 11 Nagkaroon ng kapayapaan sa lupain sa loob ng apatnapung taon hanggang sa mamatay si Otniel na anak ni Kenaz.

Si Ehud

12 Muling gumawa ng kasamaan ang mga Israelita laban kay Yahweh. Dahil dito, si Eglon na hari ng Moab ay pinalakas ni Yahweh nang higit kaysa sa Israel. 13 Nakipagsabwatan si Eglon sa mga Ammonita at mga Amalekita. Natalo nila ang Israel at nasakop ang Lunsod ng Palma. 14 Labingwalong taóng sakop ni Eglon ang mga Israelita.

15 Subalit nang muling humingi ng tulong kay Yahweh ang mga Israelita, ginawa niyang hukom si Ehud na isang kaliwete, anak ni Gera buhat sa lipi ni Benjamin, upang sila'y iligtas. Siya ang pinagdala ng mga Israelita ng kanilang buwis kay Haring Eglon, kaya't 16 si Ehud ay gumawa ng isang tabak na magkabila'y talim at isa't kalahating metro ang haba. Itinali niya ito sa kanan niyang hita, sa loob ng kanyang damit. 17 At dinala nga ni Ehud ang mga buwis ng Israel kay Haring Eglon na isang napakatabang lalaki. 18 Nang maibigay na ni Ehud ang mga buwis, pinauwi na niya ang mga nagbuhat nito. 19 Ngunit pagdating sa may mga inukit na bato malapit sa Gilgal, nagbalik si Ehud sa hari at sinabi niya rito, “Kamahalan, mayroon po akong lihim na mensahe para sa inyo.”

Dahil dito, sinabi ng hari sa kanyang mga lingkod, “Iwan ninyo kami.” At umalis ang lahat sa harapan ng hari.

20 Lumapit si Ehud sa kinauupuan ng hari sa malamig na silid-pahingahan na nasa tuktok ng palasyo, at muling sinabi, “May ipinapasabi po sa akin ang Diyos para sa inyo.” At nang tumayo ang hari, 21 binunot ng kaliwang kamay ni Ehud ang kanyang tabak na nakatago sa kanyang kanang hita at itinarak sa tiyan ng hari. 22 Bumaon pati ang hawakan ng tabak at ito ay natakpan ng taba. Hindi na binunot ni Ehud ang patalim dahil tumagos ito hanggang sa likuran ng hari. 23 Paglabas ni Ehud, isinara niya ang pinto 24 at tuluy-tuloy na umalis. Nang magbalik ang mga lingkod ng hari, nakita nilang sarado ang pinto kaya inisip nilang nagbabawas ang hari. 25 Hindi nila binuksan ang pinto at naghintay na lamang sila sa labas. Inabot na sila ng pagkainip ngunit hindi pa lumalabas ang hari. Kaya, binuksan na nila ang silid nito. At nakita nilang patay na ang hari at nakahandusay sa sahig.

26 Samantala, malayo na ang narating ni Ehud habang naghihintay ang mga lingkod ng hari. Nakalampas na siya sa mga inukit na bato at tumakas papuntang Seira. 27 Pagdating sa kaburulan ng Efraim, hinipan niya ang trumpeta at nagsidatingan ang mga Israelita. At mula roon, pinangunahan niya sa pakikidigma ang mga ito. 28 Sinabi niya sa kanila, “Sumunod kayo sa akin. Pagtatagumpayin kayo ni Yahweh laban sa mga Moabita.” Kaya't sila'y sumunod sa kanya at nasakop nila ang tawiran ng mga Moabita sa Jordan. Wala silang pinatawid doon kahit isa. 29-30 Nang araw na iyon, nagwagi ang mga Israelita laban sa mga Moabita. Nakapatay sila ng may sampung libong Moabita na pawang matitipuno at malalakas; wala ni isa mang nakatakas. Mula noon, nagkaroon ng kapayapaan sa lupain sa loob ng walumpung taon.

Si Shamgar

31 Sumunod kay Ehud si Shamgar na anak ni Anat. Iniligtas din niya ang Israel nang patayin niya ang animnaraang Filisteo sa pamamagitan ng isang tungkod na pantaboy ng baka.

Sina Debora at Barak

Nang mamatay si Ehud, ang bayang Israel ay muling gumawa ng kasamaan laban kay Yahweh. Kaya, hinayaan ni Yahweh na masakop sila ni Jabin, isang Cananeo na hari ng Hazor. Si Sisera na taga-Haroset Hagoyim ang pinuno ng kanyang hukbo. Si Jabin ay may siyamnaraang karwaheng bakal. Pinagmalupitan at inapi niya ang Israel sa loob ng dalawampung taon. Kaya't humingi ng tulong kay Yahweh ang mga Israelita.

Noon, ang babaing propeta na si Debora, asawa ni Lapidot, ay nagsisilbing hukom ng Israel. Nakaugalian na niyang maupo sa ilalim ng puno ng palmera sa kaburulan ng Efraim, sa pagitan ng Rama at Bethel. Pinupuntahan siya rito ng mga tao upang magpasya sa kanilang mga usapin. Isang araw, ipinatawag niya si Barak na anak ni Abinoam na taga-Kades, mula sa lipi ni Neftali. Sinabi niya rito, “Ipinag-uutos sa iyo ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, na pumili ka ng sampung libong kawal mula sa lipi nina Neftali at Zebulun. Isama mo sila sa Bundok ng Tabor. Lalabanan ninyo sa may Ilog Kison ang pangkat ni Sisera, ang pinuno ng hukbo ni Jabin. Ngunit pagtatagumpayin kita laban sa kanya.”

Sumagot si Barak, “Pupunta ako kung kasama ka. Ngunit kung hindi ka sasama, hindi ako pupunta.”

Sinabi ni Debora, “Kung gayon, sasama ako, ngunit wala kang makukuhang karangalan sapagkat si Sisera ay ibibigay ni Yahweh sa kamay ng isang babae.” Sumama nga si Debora kay Barak. 10 Nanawagan si Barak sa lipi nina Neftali at Zebulun, at sampung libong kalalakihan ang sumunod sa kanya. Sumama rin sa kanya si Debora.

11 Samantala, si Heber na isang Cineo ay lumayo sa mga kapwa niya Cineo. Ang mga Cineo ay buhat sa angkan ni Hobab na kamag-anak ng asawa ni Moises. Nagtayo si Heber ng tolda malapit sa kagubatan ng Zaananim, malapit sa Kades.

12 May nakapagsabi kay Sisera na si Barak ay pumunta sa Bundok Tabor. 13 Kaya, tinipon niya ang kanyang siyamnaraang karwaheng bakal at ang lahat ng kanyang kawal mula sa Haroset Hagoyim patungo sa Ilog Kison. 14 Sinabi ni Debora kay Barak, “Lusob! Ngayon ang araw na itinakda ni Yahweh upang gapiin mo si Sisera. Pangungunahan ka ni Yahweh!” Pumunta nga sa Bundok Tabor si Barak at ang sampung libong kawal niya. 15 Nang sumalakay sina Barak, nilito ni Yahweh sina Sisera. Nagkanya-kanyang takbuhan ang mga kawal nito. Si Sisera naman ay bumabâ sa kanyang karwahe at patakbong tumakas. 16 Hinabol nina Barak ang mga karwahe ni Sisera hanggang sa Haroset Hagoyim at pinatay nila ang lahat ng mga tauhan nito. Wala silang itinirang buháy.

17 Samantala, nakatakas si Sisera at nagtago sa tolda ni Jael na asawa ng Cineong si Heber, sapagkat magkaibigan si Haring Jabin ng Hazor at ang sambahayan ni Heber. 18 Nang makita ni Jael na papalapit si Sisera, sinabi niya, “Tuloy po kayo sa aking tolda at huwag kayong matakot.” Pumasok nga si Sisera at siya'y pinatago ni Jael sa likod ng tabing.[f] 19 Sinabi ni Sisera kay Jael, “Nauuhaw ako. Maaari mo ba akong bigyan ng tubig na maiinom?” Ang babae ay kumuha ng sisidlang-balat na puno ng gatas. Pinainom niya si Sisera, saka pinatagong muli.

20 Sinabi ni Sisera, “Diyan ka muna sa may pintuan ng tolda. Kapag may nagtanong kung may tao rito, sabihin mong wala.”

21 Dahil sa matinding pagod, nakatulog nang mahimbing si Sisera. Si Jael naman ay kumuha ng maso at tulos ng tolda. Dahan-dahan siyang lumapit kay Sisera at pinukpok ang tulos sa noo nito hanggang sa bumaon sa lupa. Sa gayon, namatay si Sisera. 22 Nang dumating si Barak na naghahanap kay Sisera, sinabi niya, “Narito ang hinahanap ninyo.” Pagpasok ni Barak, nakita niyang patay na si Sisera. Nakabulagta ito at nakabaon pa sa noo ang tulos.

23 Nang araw na iyon, pinagtagumpay ng Diyos ang bayang Israel laban kay Jabin, ang haring Cananeo. 24 Patuloy nila itong ginipit hanggang sa lubusang matalo.

Ang Awit nina Debora at Barak

Nang araw na iyon, ang awit na ito'y inawit ni Debora at ni Barak na anak ni Abinoam:

“Purihin si Yahweh!
    Ang mga Israelita'y buong giting na lumaban;
    nagkusang-loob ang taong-bayan.

“Mga pinuno at mga hari, inyong dinggin,
    ako'y aawit kay Yahweh, sa Diyos ng Israel!

“Nang sa bundok ng Seir, Yahweh, ikaw ay lumisan,
    at nang ang lupain ng Edom ay iyong iniwan,
    nayanig ang lupa at bumuhos ang ulan,
    tubig ng mga ulap sa kalangitan.
Nayanig(H) ang mga bundok sa harapan ni Yahweh, na nasa Zion,
    sa harapan ni Yahweh, ang Diyos ng Israel.

“Nang panahon ni Shamgar, anak ni Anat,
    gayundin naman nang panahon ni Jael,
ang mga manlalakbay ay lumilihis sa daan,
    tumigil ang mga tao sa pangangalakal.
Noo'y iniwan na ang mga nayon sa Israel,
    ngunit nang dumating ka, Debora,
    sa Israel ika'y naging isang ina.
Pumipili sila ng mga bagong diyus-diyosan,
    kaya't ang digmaa'y nasa mga pintuang-bayan.
Sa apatnapung libong Israel na lumaban,
    mayroon bang nagdala ng sibat at kalasag man lang?
Ang pagmamalasakit ng puso ko'y sa mga pinunong Israelita,
    na kusang nag-alay ng sariling buhay nila.
    Purihin si Yahweh!

10 “Umawit kayo[g] habang sakay ng mapuputing asno,
    habang maiinam na latag ang inuupuan ninyo
    at kayong mga naglalakad saanman patungo.
11 Sabay sa himig ng mga pastol sa tabing balon
    kung saan sinasaysay ang tagumpay ni Yahweh,
    mga tagumpay ng Israel sa kanyang mga nayon.
    Sa pintuan ng lunsod pumasok sila roon.

12 “Gumising ka, Debora, at ikaw ay tumayo!
    Gumising ka't bumangon, umawit ng isang himig.
Barak, anak ni Abinoam,
    kumilos ka't dalhin mong bihag ang mga kalaban.
13 Kumilos na ang mga dakila ng bayan;
    alang-alang kay Yahweh malakas man ay lalabanan!
14 Sumalakay sa libis[h] ang hukbo ni Efraim,
    kasunod sa paglusob ang lipi ni Benjamin.
Mga pinuno ng Maquir sa digmaa'y dumating,
    gayundin ang mga pinuno na sa Zebulun nanggaling.
15 Ang mga pinuno ng Isacar sumama kay Debora,
    gayundin kay Barak na tagapanguna,
    at hanggang sa libis sumunod sa kanya.
Ngunit ang lipi ni Ruben ay di makapagpasya,
    di nila malaman kung sila ay sasama.
16 Bakit ayaw ninyong iwan ang pastulan?
    Hindi n'yo ba maiwan ang inyong mga kawan?
Ang lipi nga ni Ruben, sa pagpapasya'y nahirapan.
17 Ang Gilead ay nanatili sa silangan ng Jordan,
    ang mga barko'y hindi iniwan ng lipi ni Dan.
Ang lipi ni Asher, sa tabing-dagat nagpaiwan,
    sila'y nanatili sa mga daungan.
18 Itinaya ng Zebulun ang kanyang buhay,
    gayundin ang Neftali na humarap sa digmaan.

19 “Ang mga hari'y dumating doon sa labanan,
    silang mga hari ng lupang Canaan,
sa mga batis ng Megido doon sa Taanac,
    ngunit wala silang nasamsam na pilak.
20 Pati mga bituin ay nakipaglaban,
    nilabanan si Sisera buhat sa kalangitan.
21 At sa kanilang pagtawid sa ilog ng Kison,
    tinangay sila ng agos, nilamon ng mga alon.
Gayunman kaluluwa ko, tumatag ka't magpatuloy!
22 Sa bilis ng takbo ang yabag ay walang humpay,
    kabayong matutulin sila ang nakasakay.

23 “Sumpain ang Meroz,” sabi ng anghel ni Yahweh.
    “Sumpain nang labis ang naninirahan doon,
sapagkat hindi sila humarap at tumulong sa labanan,
    nang digmain ni Yahweh ang mga kalaban.

24 “Higit ngang pinagpala ang babaing si Jael,
    ang asawa ng Cineong si Heber,
    sa lahat ng babaing nakatira sa mga tolda, higit na pagpapala nakalaan sa kanya.
25 Si Sisera'y humingi ng tubig na inumin, ngunit gatas ang ibinigay ni Jael;
    malinamnam na gatas sa sisidlang mamahalin.
26 At habang ang tulos ng tolda'y hawak ng kaliwang kamay,
    sa kanan nama'y hawak ang maso ng panday,
ibaon ang tulos sa sentido ni Sisera,
    nabasag at nadurog ang ulo niya.
27 Sa paanan ni Jael, si Sisera'y nahandusay,
    sa kanyang paana'y bumagsak at namatay.

28 “Itong ina ni Sisera ay naroon sa bintana,
    naiinip, hindi mapakali, nagtatanong na may luha,
‘Bakit kaya hanggang ngayon ang anak ko'y wala pa,
    kabayo at karwahe niya'y masyadong naaantala?’
29 Mga babaing tagapayo ay tumugon sa kanya;
    at sa kanyang tanong ito rin ang sagot niya:
30 ‘Nagtatagal marahil siya sa paghanap ng samsam nila,
    para sa isang kawal, isang babae o dalawa,
    mamahaling kasuotan para sa kanyang ina,
    at magarang damit naman para sa kanya.’

31 “Ganyan nawa malipol ang iyong mga kalaban, O Yahweh,
    maging tulad naman ng sumisikat na araw ang iyong mga kaibigan.”

At nagkaroon ng kapayapaan sa lupain sa loob ng apatnapung taon.

Si Gideon

Muling gumawa ng kasamaan laban kay Yahweh ang mga Israelita, kaya sila'y hinayaan niyang masakop ng mga Midianita sa loob ng pitong taon. Higit na makapangyarihan ang mga Midianita kaysa sa mga Israelita. Kaya't ang mga Israelita ay nagsipagtago sa mga kuweba at sa mga kabundukan. Tuwing magtatanim ang mga Israelita sa kanilang mga bukirin, sinasalakay sila ng mga Midianita, Amalekita, at iba pang mga lipi galing sa disyerto. Nagkakampo ang mga ito sa lupain at sinisira ang mga pananim doon hanggang sa may Gaza. Wala silang itinitirang anuman na maaaring pakinabangan ng mga Israelita sapagkat kinukuha nilang lahat pati ang mga tupa, baka at asno. Dumarating silang parang makapal na balang kasama ang kanilang mga baka, tolda at mga kamelyong hindi mabilang sa dami, at sinisira ang lupain. Walang magawâ ang mga Israelita, kaya humingi sila ng tulong kay Yahweh.

Nang marinig ni Yahweh ang pagdaing ng mga Israelita dahil sa pagpapahirap ng mga Midianita, sila'y pinadalhan niya ng propeta at ipinasabi ang ganito: “Inilabas ko kayo sa Egipto. Iniligtas ko kayo sa kanilang pang-aalipin, at sa lahat ng inyong kaaway. Natalo ninyo sila at ibinigay sa inyo ang kanilang lupain. 10 Sinabi ko na sa inyo na ako si Yahweh na inyong Diyos at hindi kayo dapat sumamba sa mga diyos ng mga Amoreo, sa lupaing inyong tinitirhan ngayon. Ngunit hindi kayo nakinig sa akin.”

11 Dumating sa Ofra ang anghel ni Yahweh at naupo sa ilalim ng malaking puno na pag-aari ni Joas na buhat sa angkan ni Abiezer. Si Gideon na anak ni Joas ay kasalukuyang gumigiik noon ng trigo sa pisaan ng ubas. Patago ang kanyang paggiik upang hindi siya makita ng mga Midianita. 12 Nagpakita sa kanya ang anghel ni Yahweh at sinabi sa kanya, “Sumasaiyo si Yahweh, magiting na lalaki.”

13 Sumagot si Gideon, “Mawalang-galang na po. Kung talagang kasama namin si Yahweh, bakit ganito ang nangyayari sa amin? Nasaan na ngayon ang mga kababalaghang ginawa niya noon gaya ng ikinuwento sa amin ng aming mga ninuno, kung paanong sila'y iniligtas niya sa Egipto? Pinabayaan na kami ni Yahweh sa kamay ng mga Midianita.”

14 Sinabi sa kanya ni Yahweh, “Lumakad ka at gamitin mo ang buong lakas mo upang iligtas ang Israel mula sa mga Midianita. Ako mismo ang nagsusugo sa iyo.”

15 Sumagot si Gideon, “Ngunit Panginoon, paano ko maililigtas ang Israel? Ang aming angkan ang pinakamahina sa lipi ni Manases, at ako naman ang pinakahamak sa pamilya namin.”

16 Sinabi sa kanya ni Yahweh, “Makakaya mo ito sapagkat tutulungan kita. Matatalo mo ang mga Midianitang ito na para ka lang lumaban sa isang tao.”

17 Sumagot si Gideon, “Kung ako po ay talagang kalugud-lugod sa inyo, bigyan ninyo ako ng palatandaang kayo nga ang nag-uutos sa akin. 18 Huwag po muna kayong umalis at hahainan ko kayo ng pagkaing handog.”

“Hihintayin kita,” sagot ni Yahweh.

19 Umuwi nga si Gideon at nagluto ng isang batang kambing at gumawa ng tinapay na walang pampaalsa mula sa limang salop na harina. Pagkaluto, inilagay niya ang karne sa basket at ang sabaw sa isang palayok. Inihain niya ito sa anghel ni Yahweh sa ilalim ng malaking puno. 20 Sinabi sa kanya ng anghel, “Ipatong mo sa malaking batong ito ang karne at ang tinapay. Pagkatapos, buhusan mo ng sabaw.” Iyon nga ang ginawa ni Gideon. 21 Ang karne at ang tinapay ay hinawakan ng anghel ni Yahweh sa pamamagitan ng tungkod. May lumabas na apoy mula sa bato at nasunog ang karne at ang tinapay. Pagkatapos, ang anghel ni Yahweh ay nawala sa kanyang paningin.

22 Saka pa lamang naunawaan ni Gideon na anghel nga ni Yahweh ang nakausap niya. Dahil dito, kinilabutan siya sa takot at sinabi, “Panginoong Yahweh, tulungan mo po ako! Harap-harapan kong nakita ang iyong anghel!”

23 Ngunit sinabi sa kanya ni Yahweh, “Huminahon ka. Huwag kang matakot. Hindi ka mamamatay.”

24 At si Gideon ay nagtayo roon ng isang altar para kay Yahweh na tinawag niyang, “Si Yahweh ay Kapayapaan.” (Hanggang ngayon ay naroon pa sa Ofra ang altar, sa lugar na sakop ng angkan ni Abiezer.)

Sinira ni Gideon ang Altar ni Baal

25 Kinagabihan, sinabi ni Yahweh kay Gideon, “Kunin mo ang toro ng iyong ama, at isa pang toro na pitong taóng gulang. Gibain mo ang altar ni Baal na ipinagawa ng iyong ama at putulin mo ang rebulto ni Ashera sa tabi nito. 26 Pagkatapos, magpatung-patong ka ng mga bato sa ibabaw ng burol na ito bilang altar para kay Yahweh na iyong Diyos. Pagputul-putulin mo ang rebulto ni Ashera at gawin mong panggatong sa ibabaw ng altar. Ialay mo roon ang pangalawang toro ng iyong ama bilang handog na sinusunog.” 27 Kaya't isinama ni Gideon ang sampu sa kanyang mga tagapaglingkod at ginawa ang sinabi sa kanya ni Yahweh. Gabi nang gawin niya ito sapagkat natatakot siya sa kanyang pamilya at sa mga taong-bayan.

28 Kinabukasan ng madaling-araw, nakita na lamang ng mga tao na wasak na ang altar ni Baal at putul-putol na ang rebulto ni Ashera na ipinanggatong sa pangalawang toro na sinunog sa altar na itinayo roon. 29 Nagtanungan sila, “Sino kaya ang may kagagawan nito?” Nagsiyasat sila at nalaman nilang si Gideon na anak ni Joas ang may kagagawan niyon. 30 Sinabi ng mga taong-bayan kay Joas, “Ilabas mo rito ang anak mo at papatayin namin. Giniba niya ang altar ni Baal at pinagputul-putol ang rebulto ni Ashera sa tabi ng altar.”

31 Sumagot si Joas, “Ipinaglalaban ba ninyo si Baal? Ipinagtatanggol n'yo ba siya? Sinumang makipaglaban para sa kanya ay papatayin bago mag-umaga. Kung siya'y talagang diyos, hayaan ninyong ipagtanggol niya ang kanyang sarili. Di ba't kanyang altar ang giniba?” 32 Mula noon, si Gideon ay tinaguriang Jerubaal[i] dahil sa sinabi ni Joas na, “Hayaan ninyong ipagtanggol ni Baal ang kanyang sarili. Hindi ba't sa kanya naman ang altar na giniba?”

33 Ang mga Midianita, Amalekita, at iba pang mga lipi sa silangan ay sama-samang tumawid sa Ilog Jordan at nagkampo sa Libis ng Jezreel. 34 Lumukob kay Gideon ang Espiritu[j] ni Yahweh; hinipan niya ang trumpeta bilang hudyat na sumunod sa kanya ang mga kalalakihan ng angkan ni Abiezer. 35 Nagpadala siya ng mga sugo sa buong nasasakupan ng mga lipi nina Manases, Asher, Zebulun at Neftali upang makiisa sa kanya ang mga liping ito. Nagpasya namang sumama ang mga ito kay Gideon.

Humingi ng Palatandaan si Gideon

36 Sinabi ni Gideon sa Diyos, “Sinabi ninyo sa akin na ako ang gagamitin ninyo upang iligtas ang Israel. 37 Dahil dito, maglalatag ako ng isang lana sa giikan ng trigo. Kapag nabasa ito ng hamog ngunit tuyo ang paligid, ako nga ang gagamitin ninyo upang iligtas ang Israel.” 38 Ganoon nga ang ginawa ni Gideon. Kinabukasan ng umaga, kinuha niya ang lanang inilatag sa giikan, at nang pigain niya ito, napuno niya ng tubig ang isang mangkok. 39 Sinabi ni Gideon sa Diyos, “Huwag po kayong magagalit sa akin. Mayroon pa po akong isang hihilingin. Nais ko pong matuyo naman itong lana at mabasa ng hamog ang lupa sa paligid.” 40 Kinagabihan, ginawa nga iyon ng Diyos. Tuyo ang lana ngunit basa ng hamog ang lupa sa paligid nito.

Nilupig ni Gideon ang mga Midianita

Si Gideon ay tinatawag ding Jerubaal. Isang araw, maagang bumangon si Gideon at ang kanyang mga tauhan at nagkampo sila sa may Bukal ng Harod. Samantala, ang mga Midianita ay nagkampo sa hilagang kapatagan, sa may Burol ng More.

Sinabi ni Yahweh kay Gideon, “Sobrang dami ng mga tauhan mo para pagtagumpayin ko kayo laban sa mga Midianita. Baka akalain nilang sarili nila ang nakatalo sa mga Midianita at hindi dahil sa tulong ko. Kaya,(I) sabihin mo sa taong-bayan na ang lahat ng natatakot ay maaari nang umuwi.” Nang sabihin ito ni Gideon, umuwi ang 22,000 ngunit 10,000 pa ang naiwan.

Sinabi muli ni Yahweh kay Gideon, “Napakarami pa ring natira. Isama mo sila sa tabi ng batis at bibigyan ko sila roon ng pagsubok. Doon ko sasabihin kung sino ang dapat mong isama at kung sino ang hindi.” Ganoon nga ang ginawa ni Gideon. Pagdating nila sa batis, sinabi ni Yahweh, “Ibukod mo ang lahat ng umiinom na parang aso. Ibukod mo rin ang mga nakaluhod habang umiinom.” Ang sumalok ng tubig sa pamamagitan ng kamay upang uminom ay tatlong daan at ang iba'y lumuhod upang uminom. Sinabi ni Yahweh kay Gideon, “Ang tatlong daang sumalok sa pag-inom ang isasama mo upang pagtagumpayin ko kayo at gapiin ang mga Midianita. Ang iba nama'y pauwiin mo na.” Kaya't pinauwi na ni Gideon ang lahat ng mga Israelita maliban sa tatlong daan. Iniwan sa mga ito ang lahat ng banga at ang mga trumpeta. Ang kampo ng mga Midianita ay nasa libis sa gawing ibaba nila.

Kinagabihan, sinabi ni Yahweh kay Gideon, “Lusubin na ninyo ang kampo ng mga Midianita sapagkat ibinigay ko na sila sa inyong kamay! 10 Kung nag-aalinlangan ka pa hanggang ngayon, pumunta ka sa kampo kasama ang tagapaglingkod mong si Pura. 11 Tiyak na lalakas ang loob mo kapag narinig mo ang kanilang usapan.” Kaya't si Gideon at si Pura ay palihim na nagpunta sa may kampo ng mga Midianita. 12 Ang mga Midianita, pati ang mga Amalekita at mga tribo sa paligid ay naglipana sa kapatagan na parang mga balang sa dami. Ang kanilang mga kamelyo naman ay sindami ng buhangin sa dagat.

13 Nang malapit na sina Gideon, may narinig silang nag-uusap. Ang sabi ng isa, “Napanaginipan kong may isang tinapay na sebadang gumulong sa ating kampo. Nagulungan daw ang tolda at ito'y bumagsak.”

14 Sagot naman ng isa, “Iyon ay walang iba kundi ang tabak ng Israelitang si Gideon na anak ni Joas. Ang Midian at ang buong hukbo ay ibinigay na ng Diyos sa kanyang kamay.”

15 Nang marinig ni Gideon ang panaginip at ang kahulugan nito, lumuhod siya at nagpuri sa Diyos. Pagkatapos, nagbalik siya sa kampo ng mga Israelita at sinabi sa kanila, “Bumangon na kayo! Ibinigay na ni Yahweh sa inyong mga kamay ang mga Midianita!”

16 Pinagtatlong pangkat niya ang kanyang tatlong daang tauhan. Bawat isa'y binigyan niya ng trumpeta at banga na may sulo sa loob. 17 Sinabi niya sa kanila, “Kapag malapit na ako sa kanilang kampo, tumingin kayo sa akin at gawin ninyo ang gagawin ko. 18 Kapag narinig ninyong hinihipan ko at ng aking pangkat ang aming mga trumpeta, hipan na rin ninyo ang inyong trumpeta sa palibot ng kampo, at sumigaw kayo ng, ‘Para kay Yahweh at para kay Gideon!’”

19 Maghahating-gabi na. Halos kapapalit pa lamang ng pangkat ng tanod nang sina Gideon ay makalapit sa kampo ng mga Midianita. Hinipan nila ang kanilang mga trumpeta sabay basag sa mga dala nilang banga. 20 Ganoon din ang ginawa ng dalawang pangkat. Hawak ng kanilang kaliwang kamay ang sulo at nasa kanan naman ang trumpeta habang sumisigaw ng, “Tabak ni Yahweh at ni Gideon!” 21 Bawat isa'y hindi umaalis sa kanyang kinatatayuan sa paligid ng kampo, samantalang nagsisigawan at nagkakanya-kanyang takbuhan ang mga nasa kampo. 22 At habang walang tigil sa pag-ihip ng trumpeta ang tatlong daang Israelita, pinaglaban-laban ni Yahweh ang mga nasa kampo. Kanya-kanya silang takbo tungo sa Cerera hanggang Beth-sita at Abel-mehola, malapit sa Tabata.

23 Ipinatawag ni Gideon ang kalalakihang mula sa mga lipi nina Neftali, Asher at Manases, at ipinahabol sa mga ito ang mga Midianita. 24 Si Gideon ay nagpadala ng mga sugo sa lipi ni Efraim na nakatira sa mga kaburulan. Sinabi niya, “Bumabâ kayo at tugisin ninyo ang mga Midianita. Pabantayan ninyo ang Ilog Jordan at ang mga batis hanggang sa Beth-bara, upang hindi sila makatawid.” Kaya't lahat ng kalalakihan sa lipi ng Efraim ay nagtipon, at ganoon nga ang kanilang ginawa. 25 Sa paghabol nila sa mga Midianita, nabihag nila ang dalawang pinunong sina Oreb at Zeeb. Pinatay nila si Oreb sa Bato ni Oreb at si Zeeb sa pisaan ng ubas ni Zeeb. Pagkatapos, dinala nila ang ulo ng dalawang ito kay Gideon sa ibayo ng Jordan.

Nalupig ang mga Midianita

Pagkatapos, pumunta kay Gideon ang mga kalalakihan ng Efraim. “Bakit mo kami ginanito? Bakit hindi mo kami tinawag bago ninyo lusubin ang mga Midianita?” pagalit nilang tanong.

“Ang nagawa ko ay hindi maipapantay sa nagawa ninyo. Ang maliit ninyong nagawa ay higit pa sa nagawa ng angkan namin,” sagot ni Gideon. “Niloob(J) ng Diyos na sa inyong mga kamay mahulog ang dalawang pinunong Midianitang sina Oreb at Zeeb. Alin sa mga nagawa ko ang maipapantay riyan?” Nang marinig nila ito, napawi ang kanilang galit.

Si Gideon at ang tatlong daan niyang tauhan ay nakatawid na ng Ilog Jordan. Pagod na pagod na sila ngunit patuloy pa rin nilang hinahabol ang mga Midianita. Nang umabot sila sa Sucot, nakiusap siya sa mga tagaroon, “Maaari po bang bigyan ninyo ng makakain ang aking mga tauhan? Latang-lata na sila sa gutom at hinahabol pa namin ang dalawang hari ng mga Midianita na sina Zeba at Zalmuna.”

Ngunit sumagot ang mga taga-Sucot, “Bakit namin kayo bibigyan ng pagkain? Hindi pa naman ninyo nabibihag sina Zeba at Zalmuna.”

Dahil dito, sinabi ni Gideon, “Kayo ang bahala. Kapag nahuli na namin sina Zeba at Zalmuna, hahagupitin ko kayo ng latigong tinik na mula sa halamang disyerto.” Pagkasabi nito'y nagtuloy sila sa Penuel at doon humingi ng pagkain. Ngunit ang sagot ng mga tagaroon ay tulad din ng sagot ng mga taga-Sucot. Sinabi niya sa kanila, “Tinitiyak ko sa inyong kami'y matagumpay na makakabalik dito. Pagbalik namin, gigibain ko ang tore ninyo.”

10 Sina Zeba at Zalmuna ay nasa Carcor noon, kasama ang nalalabi nilang kawal na 15,000 sapagkat 120,000 na ang napapatay sa kanila. 11 Dumaan sina Gideon sa gilid ng ilang, sa silangan ng Noba at Jogbeha, saka biglang sumalakay. 12 Tatakas sana sina Zeba at Zalmuna, ngunit nahuli sila nina Gideon. Dahil dito, nataranta ang mga kawal ng dalawang haring Midianita.

13 Nang magbalik sina Gideon mula sa labanan, sa Pasong Heres sila nagdaan. 14 Nakahuli sila ng isang binatang taga-Sucot. Itinanong niya rito kung sinu-sino ang mga opisyal at pinuno ng Sucot, at isa-isa namang isinulat nito. Umabot ng pitumpu't pito ang kanyang naisulat. 15 Pagkatapos, pinuntahan ni Gideon ang mga ito at tinanong, “Natatandaan ba ninyo nang ako'y humingi sa inyo ng pagkain? Sinabi ninyo sa akin na hindi ninyo kami bibigyan ng pagkain hanggang hindi namin nahuhuli sina Zeba at Zalmuna, kahit na noo'y lupaypay na kami sa gutom. Bihag na namin sila ngayon!” 16 At nagpakuha siya ng mga tinikang sanga ng kahoy at sa pamamagitan nito'y pinarusahan ang mga pinuno ng Sucot. 17 Pagkatapos, giniba niya ang tore sa Penuel at pinatay ang mga kalalakihan roon.

18 Pagkaraan, tinanong niya sina Zeba at Zalmuna, “Anong hitsura ng mga lalaking pinatay ninyo sa Tabor?”

“Kamukha mo silang lahat, parang mga anak ng hari,” sagot nila.

19 Sinabi ni Gideon, “Sila'y mga kapatid ko at mga anak ng aking ina. Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[k] kung hindi ninyo sila pinatay ay hindi ko rin sana kayo papatayin.” 20 At sinabi niya sa pinakamatanda niyang anak na si Jeter, “Patayin mo sila!” Palibhasa'y bata, natakot itong bumunot ng tabak at pumatay ng tao.

21 Dahil dito, sinabi nina Zeba at Zalmuna kay Gideon, “Bakit hindi ikaw ang pumatay sa amin? Mga tunay na lalaki lamang ang maaaring pumatay ng tao.” Kaya sila'y pinatay ni Gideon at kinuha ang mga palamuti sa leeg ng kanilang mga kamelyo.

22 Pagkatapos, nagtipun-tipon ang mga Israelita at sinabi nila kay Gideon, “Ikaw rin lamang ang nagligtas sa amin sa mga Midianita, ikaw na at ang iyong angkan ang maghari sa amin!”

23 Sumagot si Gideon, “Hindi ako ni ang aking mga anak ang dapat maghari sa inyo. Si Yahweh ang dapat maghari sa inyo. 24 Ngunit mayroon akong hihilingin sa inyo: Ibigay ninyo sa akin ang mga hikaw na nasamsam ninyo mula sa kanila.” (Nakahikaw ng ginto ang mga Midianita sapagkat iyon ang ugali ng mga taong taga-disyerto.)

25 Sumagot sila, “Buong puso naming ibibigay sa iyo.” Naglatag sila sa lupa ng isang malapad na damit at inilagay roon ang lahat ng nasamsam nilang hikaw. 26 Nang timbangin nila ang mga hikaw na ginto, ito'y umabot ng animnapung libra, hindi pa kasama ang mga hiyas, kuwintas, at mga kulay ubeng kasuotan ng mga hari ng Midian. Hindi rin kasama roon ang mga palamuti sa leeg ng mga kamelyo. 27 Mula sa gintong nasamsam, si Gideon ay nagpagawa ng isang diyus-diyosan at dinala sa Ofra na kanyang lunsod. Ang mga Israelita'y tumalikod sa Diyos at naglingkod sa diyus-diyosang ipinagawa ni Gideon. Ito ang naging malaking kapulaan kay Gideon at sa kanyang sambahayan.

28 Lubusang natalo ng Israel ang Midian at ito'y hindi na nakabawi. Nagkaroon ng kapayapaan sa Israel sa loob ng apatnapung taon, habang nabubuhay si Gideon.

Ang Pagkamatay ni Gideon

29 Umuwi si Gideon[l] sa sarili niyang bahay at doon nanirahan. 30 Pitumpu ang kanyang naging anak sapagkat marami siyang asawa. 31 Mayroon pa siyang isang asawang-lingkod sa Shekem na nagkaanak ng isang lalaki na pinangalanan niyang Abimelec. 32 Matandang-matanda na nang mamatay si Gideon na anak ni Joas. Inilibing siya sa libingan ng kanyang ama sa Ofra, ang bayan ng angkan ni Abiezer.

33 Mula nang mamatay si Gideon, ang mga Israelita'y hindi na namuhay nang tapat sa Diyos. Sa halip, naglingkod sila sa mga Baal, at ang kanilang kinilalang diyos ay si Baal-berit. 34 Hindi na sila naglingkod sa Diyos nilang si Yahweh na nagligtas sa kanila sa mga kaaway na nakapalibot sa kanila. 35 Hindi sila tumanaw ng utang na loob sa sambahayan ni Gideon sa lahat ng kabutihang ginawa nito para sa Israel.

Si Abimelec

Paglipas ng panahon, si Abimelec na anak ni Gideon[m] ay nagpunta sa Shekem, sa mga kamag-anak ng kanyang ina. Sinabi niya sa mga ito, “Itanong ninyo sa lahat ng taga-Shekem kung alin ang gusto nila: pamunuan sila ng pitumpung anak ni Gideon o ng iisang tao? At huwag ninyong kalilimutang ako'y dugo ng inyong dugo at laman ng inyong laman.” Ang mga taga-Shekem ay kinausap nga ng mga kamag-anak ng ina ni Abimelec. Pinagkaisahan ng mga ito na siya na ang mamahala sa kanila, sapagkat siya naman ay kamag-anak nila. Binigyan nila si Abimelec ng pitumpung pirasong pilak mula sa kabang-yaman ng templo ni Baal-berit. Ginamit niya ito bilang pambayad sa ilang tao roon na walang magawang magaling at sila'y sumama sa kanya. Nagpunta siya sa Ofra, sa bahay ng kanyang ama at pinatay sa ibabaw ng isang malaking bato ang kanyang pitumpung kapatid sa ama niyang si Gideon. Lahat ay napatay niya liban kay Jotam na siyang pinakabata sapagkat nakapagtago ito. Ang mga taga-Shekem at Bethmilo ay sama-samang nagpunta sa may malaking puno sa Shekem at ginawa nilang hari si Abimelec.

Nang mabalitaan ito ni Jotam, tumayo siya sa taluktok ng Bundok ng Gerizim at sumigaw, “Mga taga-Shekem, makinig kayo sa akin upang makinig sa inyo ang Diyos. Isang araw, nag-usap-usap ang mga punongkahoy upang pumili ng hari nila. Sinabi nila sa olibo, ‘Ikaw ang maghari sa amin.’ Sumagot ang olibo, ‘Hindi ko maiiwan ang paggawa ng langis na ginagamit sa pagpaparangal sa mga diyos at sa mga tao para maghari lamang sa inyo.’ 10 Sinabi nila sa igos, ‘Ikaw na ang maghari sa amin.’ 11 Ngunit sumagot ang igos, ‘Hindi ko maaaring itigil ang pagbibigay ng masasarap kong bunga upang pagharian ko lamang kayo.’ 12 Kaya sinabi nila sa ubas, ‘Ikaw na ang maghari sa amin.’ 13 Sumagot ang ubas, ‘Hindi ko maaaring itigil ang pagbibigay ng alak na pampasaya sa mga diyos at sa mga tao upang pagharian ko lamang kayo.’ 14 Kaya, sinabi nila sa halamang matinik, ‘Ikaw na nga ang maghari sa amin.’ 15 Ang sagot ng halamang matinik, ‘Kung talagang gusto ninyo akong maging hari, sumilong kayo sa akin. Kung ayaw ninyong sumilong, magpapalabas ako ng apoy sa aking mga tinik upang sunugin ang mga sedar ng Lebanon.’

16 “Ngayon,” patuloy ni Jotam, “sang-ayon ba sa inyong malinis na hangarin na ginawa ninyong hari si Abimelec? Iginalang ba ninyo ang alaala ni Gideon, at nilalapastangan ninyo ang kanyang pamilya? 17 Alalahanin ninyong kayo'y ipinaglaban ng aking ama. Itinaya niya ang kanyang buhay upang iligtas kayo sa mga Midianita. 18 Ngunit ngayo'y kinakalaban ninyo ang sambahayan ng aking ama. Pinatay ninyo ang pitumpu niyang anak sa ibabaw ng isang bato at si Abimelec na anak niya sa kanyang aliping babae ang ginawa ninyong hari sapagkat kamag-anak ninyo. 19 Kung iyan ang inaakala ninyong dapat iganti sa kabutihan sa inyo ni Gideon at sa kanyang sambahayan, ipagpatuloy ninyo. Magpakaligaya kayo, pati si Abimelec. 20 Ngunit kung hindi, sana'y sumiklab ang apoy mula kay Abimelec at tupukin ang mga lalaki ng Shekem at Bethmilo. Sumiklab sana ang apoy mula sa mga lalaki ng Shekem at Bethmilo at sunugin si Abimelec.” 21 Pagkasabi nito'y patakbong umalis si Jotam at nagtago sa Beer dahil sa takot sa kapatid niyang si Abimelec.

22 Tatlong taóng pinamunuan ni Abimelec ang Israel. 23 Ngunit nagpadala ang Diyos ng espiritu ng hidwaan sa mga taga-Shekem at kay Abimelec. Dahil dito, naghimagsik ang mga kalalakihan ng Shekem laban kay Abimelec. 24 Nangyari ito upang pagbayarin si Abimelec at ang mga nagsulsol sa kanya na patayin ang pitumpung anak ni Gideon. 25 Ang mga taga-Shekem ay naglagay ng mga tauhan upang tambangan sa bundok si Abimelec. Hinaharang nila ang lahat ng magdaan doon. Nabalitaan ito ni Abimelec.

26 Noon, si Gaal na anak ni Ebed ay nagpunta sa Shekem, kasama ang kanyang mga kapatid. Nagtiwala naman sa kanya ang mga tagaroon. 27 Namitas sila ng ubas, ginawa itong alak, at sila'y nagpista. Sa kainitan ng pista ay pumasok sila sa templo ng kanilang diyus-diyosan. Kumain sila roon at nag-inuman habang patuloy na kinukutya si Abimelec. 28 Sinabi ni Gaal, “Bakit ba tayo pasasakop kay Abimelec? Sino siya kung ihahambing sa mga taga-Shekem? Hindi ba anak lamang siya ni Gideon? At pati si Zebul ay sunud-sunuran sa kanya! Bakit nga tayo pasasakop sa kanya? Ibangon ninyo ang karangalan ng ninuno ninyong si Hamor. 29 Kung ako ang mamumuno sa inyo, tiyak na matatalo natin siya. Sasabihin ko sa kanyang ilabas na niya ang buo niyang hukbo at maglaban kami.”

30 Nabalitaan ni Zebul na tagapamahala ng lunsod ang pinagsasabi ni Gaal, kaya't ito'y nagalit. 31 Nagsugo siya kay Abimelec sa Aruma at ipinasabi, “Si Gaal at ang kanyang mga kamag-anak ay narito sa Shekem. Pinag-aalsa nila ang mga taga-Shekem laban sa iyo. 32 Kaya mamayang gabi, isama mo ang iyong mga tauhan. Magtago muna kayo sa labas ng lunsod. 33 Bukas, pagsikat ng araw, bigla kayong sumalakay. Kapag lumaban sila Gaal, gawin mo na sa kanya ang gusto mo.”

34 Kaya't lumakad si Abimelec at ang kanyang mga tauhan. Sila'y nag-apat na pangkat at nagtago muna sa labas ng Shekem. 35 Kinaumagahan, tumayo si Gaal sa may pagpasok ng lunsod. Sina Abimelec naman ay lumabas sa kanilang pinagtataguan. 36 Nang makita sila ni Gaal, sinabi nito kay Zebul, “May mga taong nanggagaling sa kabundukan.”

Sumagot si Zebul, “Anino lamang ng bundok ang nakikita mo. Ang tingin mo lang ay tao.”

37 Sinabi uli ni Gaal, “May mga taong bumababa sa may burol. May isang pangkat pang nagmumula sa may sagradong puno ng ensina.”

38 Sinabi na sa kanya ni Zebul, “Tingnan ko ngayon ang yabang mo. Di ba't itinatanong mo kung sino si Abimelec para sumakop sa atin? Sila na iyon. Bakit di mo sila labanan?” 39 Tinipon nga ni Gaal ang mga taga-Shekem at hinarap sina Abimelec. 40 Ngunit natalo siya kaya napilitang tumakas. Hinabol siya ni Abimelec at marami ang nabuwal na sugatan hanggang sa may pagpasok ng lunsod. 41 Nagbalik na sa Aruma si Abimelec. Si Gaal naman at ang natitira pa niyang kamag-anak ay pinalayas ni Zebul sa Shekem at pinagsabihang huwag nang magbalik.

42 Kinabukasan, ang mga taga-Shekem ay lumabas ng bukid at ito'y nalaman ni Abimelec. 43 Pinagtatlong pangkat niya ang kanyang mga tauhan at sila'y nag-abang. Nang makita nila ang mga taga-Shekem, pinatay nila ang mga ito. 44 Ang pangkat ni Abimelec ay nagmamalaking nagpunta sa pagpasok ng lunsod upang magbantay samantalang pinapatay ng dalawang pangkat ang mga tao sa kabukiran. 45 Sina Abimelec ay maghapong nakipaglaban sa mga taga-Shekem bago nila naubos ang mga tagaroon at nasakop ang lunsod. Pagkatapos, iginuho nila ang buong lunsod at sinabugan ng makapal na asin ang lupa.

46 Nang mabalitaan ito ng mga nakatira sa kastilyo sa Shekem, nagtago sila sa templo ni Baal-berit. 47 Nalaman ito ni Abimelec, 48 kaya't isinama niya sa Bundok Zalmon ang kanyang mga tauhan. Pagdating doon, pumutol siya ng mga sanga ng kahoy at pinasan. Lahat ng tauhan niya'y pinakuha rin niya ng mga sanga ng kahoy. 49 Nagkanya-kanya sila ng pasan at sumunod kay Abimelec. Ang mga ito'y itinambak nila sa ibaba ng tore at sinunog. Namatay lahat ang nasa loob nitong may sanlibong katao, pati mga babae.

50 Pagkatapos, sina Abimelec ay nagtuloy sa Tebez at sinakop iyon. 51 May matibay na tore doon na pinagtataguan ng mga taga-Tebez. Nang makapasok na ang lahat, sinarhan nila ang daan at sila'y umakyat hanggang sa tuktok ng tore. 52 Sinundan sila ni Abimelec at susunugin na sana ang tore, 53 ngunit(K) siya'y binagsakan ng malaking bato ng isang babaing naroon at nabasag ang kanyang bungo. 54 Kaya't dali-dali niyang tinawag ang kanyang lingkod at sinabi, “Patayin mo ako ng iyong tabak para hindi nila sabihing babae ang nakapatay sa akin.” Kaya, siya'y sinaksak ng kanyang lingkod at namatay. 55 Nang malaman ng mga Israelita na patay na si Abimelec, nag-uwian na sila sa kanya-kanyang tahanan.

56 Sa ganitong paraan, si Abimelec ay siningil ng Diyos dahil sa pagpatay sa pitumpu niyang kapatid. 57 Pinagdusa rin ng Diyos ang mga taga-Shekem, tulad ng sumpa sa kanila ni Jotam na anak ni Gideon.

Sina Tola at Jair

10 Pagkamatay ni Abimelec, si Tola na anak ni Pua at apo ni Dodo, buhat sa lipi ni Isacar ang nagligtas sa Israel sa pagkaalipin. Tumira siya sa Samir, sa kaburulan ng Efraim. Dalawampu't tatlong taon siyang naging hukom at pinuno ng Israel, at nang mamatay ay inilibing sa Samir.

Ang pumalit kay Tola ay si Jair na taga-Gilead at siya'y naging hukom at pinuno ng Israel nang dalawampu't dalawang taon. Tatlumpu ang kanyang anak at may kanya-kanyang asno. Sa Gilead ay may tatlumpung lunsod na ang tawag ay Mga Nayon ni Jair. Namatay siya at inilibing sa Camon.

Ang mga Israelita'y Pinahirapan ng mga Ammonita

Ang mga Israelita'y muling gumawa ng kasamaan laban kay Yahweh sapagkat sila'y sumamba sa mga Baal at mga Astarot, mga diyus-diyosan ng mga taga-Aram, Sidon, Moab, Ammon at Filisteo. Dahil dito, nagalit sa kanila si Yahweh at hinayaan silang masakop ng mga Ammonita at mga Filisteo. At sa loob ng labingwalong taon, pinahirapan sila ng mga ito sa Gilead, sa silangan ng Ilog Jordan. Sinalakay rin ng mga Ammonita ang mga nasa ibayo ng Ilog Jordan: ang mga lipi nina Juda, Benjamin at Efraim. Kaya't lubhang nahirapan ang Israel.

10 Dumulog kay Yahweh ang mga Israelita at kanilang sinabi, “Nagkasala kami sa inyo, sapagkat tumalikod kami sa aming Diyos at sumamba sa mga Baal.”

11 Ang sagot sa kanila ni Yahweh, “Nang kayo'y pahirapan ng mga Egipcio, Amoreo, Ammonita, Filisteo, 12 Sidonio, Amalekita at mga Maonita, humingi kayo ng saklolo sa akin at iniligtas ko naman kayo. 13 Ngunit tinalikuran ninyo ako at sumamba kayo sa mga diyus-diyosan. Kaya hindi ko na kayo muling ililigtas. 14 Sa inyong mga diyus-diyosan kayo humingi ng tulong sa panahon ng inyong kagipitan!”

15 Kaya't sinabi ng mga Israelita kay Yahweh, “Nagkasala nga po kami at gawin ninyo sa amin ang nais ninyong gawin, iligtas lamang ninyo kami ngayon.” 16 Nang araw ring iyon, inalis nila ang kanilang mga diyus-diyosan at muling naglingkod kay Yahweh. Kaya't nabagbag ang kalooban ni Yahweh dahil sa paghihirap ng Israel.

17 Dumating ang araw na naghanda sa pakikidigma ang mga Ammonita laban sa mga Israelita. Ang mga Ammonita ay nagkampo sa Gilead; sa Mizpa naman ang mga Israelita. 18 Nag-usap ang mga taga-Gilead at lahat ng tagaroon, “Kung sino ang mangunguna sa atin sa pakikipaglaban sa mga Ammonita ay siya nating kikilalaning pinuno ng buong Gilead.”

Si Jefta

11 Si Jefta na taga-Gilead ay isang matapang na mandirigma. Si Gilead ang kanyang ama at ang ina niya'y isang babaing nagbebenta ng panandaliang-aliw. May iba pang anak si Gilead sa kanyang tunay na asawa, at nang lumaki ang mga ito ay pinalayas nila si Jefta. Sinabi nila, “Wala kang mamanahin mula sa aming ama sapagkat ikaw ay anak sa labas.” Kaya, umalis si Jefta at nanirahan sa Tob. Doon ay nagbuo siya ng pangkat ng mga taong itinakwil din ng lipunan at sama-sama sila sa pandarambong.

Pagkalipas ng ilang panahon, nilusob ng mga Ammonita ang Israel. Dahil dito, si Jefta ay ipinasundo mula sa lupain ng Tob ng mga pinuno ng Gilead. Sinabi nila, “Ikaw ang manguna sa amin sa pakikipaglaban sa mga Ammonita.”

Sumagot si Jefta, “Hindi ba't nasusuklam kayo sa akin kaya ninyo ako pinaalis sa Gilead? Bakit lalapitan ninyo ako ngayong nahaharap kayo sa panganib?”

Ngunit sinabi nila, “Ikaw ang nilalapitan namin ngayon sapagkat gusto naming makasama ka sa pakikipaglaban sa mga Ammonita. Gusto rin naming ikaw ang mamuno sa Gilead.”

Sinabi ni Jefta, “Kapag isinama ninyo ako sa pakikipaglaban sa kanila at niloob ni Yahweh na ako'y magtagumpay, ako ang kikilalanin ninyong pinuno.”

10 Sumagot sila, “Oo, ikaw ang gagawin naming pinuno, saksi natin si Yahweh.” 11 Sumama nga si Jefta sa matatandang pinuno patungong Gilead at ginawa siyang pinuno at tagapamahala ng mga tagaroon. Ipinahayag ni Jefta sa Mizpa sa harapan ni Yahweh ang mga patakaran niya bilang pinuno.

12 Si Jefta ay nagpadala ng mga sugo sa hari ng mga Ammonita at kanyang ipinatanong, “Ano ba ang atraso namin sa inyo? Bakit ninyo nilulusob ang aming bayan?”

13 Ganito ang sagot ng hari ng mga Ammonita sa mga sugo ni Jefta: “Gusto naming maibalik sa amin ang aming lupain, sapagkat nang dumating dito ang mga Israelita buhat sa Egipto, kinamkam nila ang aming lupain mula sa Ilog Arnon hanggang sa Ilog Jabboc at ng Jordan.”

14 Pinabalik ni Jefta ang kanyang mga sugo sa hari ng mga Ammonita 15 at ipinasabi, “Hindi namin kinamkam ang lupain ng Moab o ng Ammon. 16 Nang umalis sa Egipto ang aming mga ninuno, naglakbay sila sa disyerto patungong Dagat na Pula[n] hanggang sa Kades. 17 Pagkatapos,(L) nagpadala sila ng mga sugo sa hari ng Edom upang humingi ng pahintulot na dumaan sa lupaing ito, ngunit hindi sila pinayagan nito. Ganoon din ang ginawa ng hari ng Moab. Kaya, ipinasya nilang tumigil sa Kades. 18 Nagpatuloy(M) sila sa paglalakbay sa disyerto. Iniwasan nila ang Edom at Moab hanggang sa sumapit sila sa gawing silangan ng Moab, sa ibayo ng Ilog Arnon. Nagkampo sila roon. Hindi sila tumawid ng ilog sapagkat iyon ang hangganan ng Moab. 19 At(N) nagpadala sila ng mga sugo sa Hesbon, kay Haring Sihon ng mga Amoreo, upang humingi ng pahintulot na dumaan sa lupain nito. 20 Ngunit hindi pumayag si Sihon. Sa halip, tinipon nito sa Jahaz ang kanyang hukbo at sinalakay ang mga Israelita. 21 Ngunit sila'y ibinigay ni Yahweh sa kamay ng mga Israelita. Kaya, ang lahat ng lupain ng mga Amoreo sa dakong iyon ay nasakop ng mga Israelita: 22 buhat sa Ilog Arnon, sa timog, hanggang sa Jabboc sa hilaga, at buhat naman sa disyerto, sa silangan hanggang sa Jordan, sa kanluran. 23 Kaya si Yahweh ang nagtaboy sa mga Amoreo upang ang lupain nila'y tirhan ng mga Israelita. 24 At ngayo'y gusto ninyo itong kunin? Inyo nang lahat ang ibinigay sa inyo ng diyus-diyosan ninyong si Cemos ngunit huwag ninyong papakialaman ang ibinigay sa amin ni Yahweh na aming Diyos. 25 Sa(O) palagay mo ba'y mas magaling ka kaysa kay Balac na hari ng Moab? Ni minsa'y hindi niya tinangkang digmain ang Israel. 26 Tatlong daang taon nang naninirahan ang mga Israelita sa Hesbon, Aroer, sa mga bayan sa paligid nito, at sa mga lunsod sa palibot ng Ilog Arnon. Bakit ngayon lamang ninyo naisipang bawiin ang mga ito? 27 Wala akong kasalanan sa iyo, ikaw itong may kasalanan sa akin dahil sinasalakay mo ako. Si Yahweh, ang Hukom, ang magpapasya ngayon sa Israel at Ammon.” 28 Ngunit ang pasabing ito ni Jefta ay hindi pinansin ng hari ng mga Ammonita.

29 Ang Espiritu[o] ni Yahweh ay lumukob kay Jefta. Tinipon niya ang mga tao sa Gilead at Manases, pagkatapos ay nagbalik sa Mizpa, Gilead at saka nagtuloy upang salakayin ang mga Ammonita. 30 Sumumpa si Jefta kay Yahweh ng ganito: “Kapag pinagtagumpay ninyo ako laban sa mga Ammonita, 31 susunugin ko bilang handog sa inyo ang unang lalabas sa aking bahay at sasalubong sa akin pag-uwi ko.” 32 Sinalakay nga ni Jefta ang mga Ammonita at pinagtagumpay siya ni Yahweh. 33 Nagapi nila ang mga kalaban at nasakop ang dalawampung lunsod mula sa Aroer, sa palibot ng Minit hanggang sa Abelqueramim. Marami silang napatay na Ammonita.

Ang Anak ni Jefta

34 Nang magbalik si Jefta sa Mizpa, sinalubong siya ng anak niyang babae na sumasayaw sa saliw ng tamburin. Siya ang kaisa-isang anak ni Jefta. 35 Nang(P) makita siya ni Jefta, pinunit niya ang kanyang damit at buong paghihinagpis na sinabi, “Anak ko, kay bigat na bagay nitong ginawa mo sa akin ngayon. Ang panata ko kay Yahweh ay hindi ko na mababawi pa!”

36 Sumagot ang anak ni Jefta, “Kung may panata kayo kay Yahweh, tuparin ninyo iyon sapagkat ipinaghiganti niya kayo laban sa inyong mga kaaway na mga Ammonita. 37 Ngunit may isa lamang po akong ipapakiusap sa inyo: bayaan ninyong isama ko sa bundok ang aking mga kaibigan upang ipagluksa ko nang dalawang buwan ang aking pagkabirhen.” 38 Pumayag naman si Jefta na umalis ng dalawang buwan ang anak niya. Nagpunta nga ito sa bundok, kasama ang kanyang mga kaibigan upang ipagluksa ang kanyang pagkabirhen sapagkat mamamatay siya nang hindi makakapag-asawa. 39 Pagkaraan ng dalawang buwan, nagbalik siya sa kanyang ama at isinagawa naman nito ang kanyang panata kay Yahweh. At siya nga'y namatay na isang birhen. Mula noon, naging kaugalian na sa Israel 40 na taun-taon ay apat na araw na ipagluksa ng mga kababaihan ang dalagang anak ni Jefta.

Si Jefta at ang Lipi ni Efraim

12 Ang mga kalalakihan ng Efraim ay tinipon upang makipagdigma. Sama-sama silang tumawid ng Ilog Jordan at nagpunta sa Zafon upang kalabanin si Jefta. Itinanong nila sa kanya, “Bakit hindi mo kami tinawag bago ka nakipagdigma sa mga taga-Ammon? Dahil sa ginawa mong iyan, susunugin namin ang bahay mo at itatambak ka namin doon.”

Sumagot si Jefta, “Kami at ang mga Ammonita ay nagkaroon ng matinding alitan. Humingi kami ng tulong sa inyo ngunit hindi ninyo kami pinansin. Kaya, itinaya ko na ang buhay ko sa pakikipagdigma sa kanila. Pinagtagumpay naman ako ni Yahweh. Bakit gusto ninyo akong salakayin ngayon?” Tinipon ni Jefta ang kanyang mga tauhan at nilabanan ang mga taga-Efraim sapagkat sinabi ng mga ito, “Kayong mga taga-Gilead, mga takas lang kayo mula sa Efraim! Nakikitira lang kayo sa Efraim at Manases!” Ang mga taga-Efraim ay tinalo ng mga taga-Gilead. Binantayan nila ang mga lugar ng Ilog Jordan na maaaring tawiran ng tao upang hindi makatawid ang mga taga-Efraim. Ang sinumang nais tumawid ay tinatanong nila kung taga-Efraim. Kapag sumagot ng, “Hindi,” ipinapasabi nila ang salitang, “Shibolet.” Kung hindi ito mabigkas nang tama at sa halip ay sinasabing, “Sibolet,” papatayin nila ito sa may tawiran ng Ilog Jordan. At nang panahong iyon, umabot sa 42,000 taga-Efraim ang kanilang napatay.

Si Jefta ay anim na taóng naging hukom at pinuno ng Israel. Nang siya'y mamatay, inilibing siya sa kanyang sariling bayan sa Gilead.[p]

Sina Ibzan, Elon at Abdon

Nang mamatay si Jefta, si Ibzan na taga-Bethlehem naman ang naging hukom at pinuno ng Israel. Animnapu ang kanyang anak: tatlumpung lalaki at tatlumpung babae. Ang pinili niyang maging asawa ng kanyang mga anak ay pawang di kabilang sa kanilang angkan. Pitong taon siyang naging hukom at pinuno ng Israel. 10 Nang siya'y mamatay, inilibing siya sa Bethlehem.

11 Nang mamatay si Ibzan, si Elon na taga-Zebulun naman ang naging hukom at pinuno ng Israel sa loob ng sampung taon. 12 Nang siya'y mamatay, inilibing siya sa Ayalon, sakop ng Zebulun.

13 Pagkatapos, ang sumunod na naging hukom at pinuno ng Israel ay si Abdon na anak ni Hillel na taga-Piraton. 14 Ang mga anak niyang lalaki ay apatnapu at siya'y may tatlumpung apo; bawat isa sa kanila'y may sari-sariling asno. Siya ay naging hukom at pinuno ng Israel sa loob ng walong taon. 15 Nang siya'y mamatay, inilibing siya sa Piraton, sakop ng Efraim, sa kaburulang sakop ng mga Amalekita.

Ipinanganak si Samson

13 Muling gumawa ng kasamaan ang mga Israelita laban kay Yahweh kaya sila'y hinayaan niyang masakop ng mga Filisteo sa loob ng apatnapung taon.

Nang panahong iyon, sa bayan ng Zora ay may isang lalaking nagngangalang Manoa na kabilang sa lipi ni Dan. Ang asawa niya ay hindi magkaanak sapagkat ito'y baog. Minsan, nagpakita sa babae ang anghel ni Yahweh at sinabi, “Hindi ka pa nagkakaanak. Ngunit hindi magtatagal, maglilihi ka at manganganak. Kaya, mula ngayon ay huwag kang iinom ng anumang uri ng alak ni titikim ng anumang ipinagbabawal na pagkain. Kapag(Q) naisilang mo na ang iyong anak na lalaki, huwag mo siyang puputulan ng buhok sapagkat mula pa sa kanyang pagsilang ay ilalaan na siya sa Diyos bilang isang Nazareo. Siya ang magsisimulang magligtas sa Israel mula sa mga Filisteo.”

Lumapit ang babae sa kanyang asawa at sinabi, “Nagpakita sa akin ang isang lingkod ng Diyos, at ang hitsura niya'y kakila-kilabot na parang anghel ng Diyos. Hindi ko tinanong kung saan siya galing at hindi naman niya sinabi kung sino siya. Huwag daw akong iinom ng alak ni titikim ng anumang ipinagbabawal na pagkain sapagkat ang sanggol na isisilang ko'y ilalaan sa Diyos bilang isang Nazareo.”

Dahil dito, nanalangin si Manoa, “Yahweh, kung maaari'y pabalikin ninyo sa amin ang nasabing lingkod ng Diyos upang sabihin ang lahat ng nararapat naming gawin sa magiging anak namin.” Tinugon naman ni Yahweh ang kahilingan ni Manoa. Nagpakita muli ang anghel sa asawa ni Manoa nang ito'y nag-iisang nakaupo sa bukid. 10 Dali-dali niyang hinanap ang kanyang asawa at sinabi, “Manoa, halika! Naritong muli ang lalaking nagpakita sa akin noong isang araw.”

11 Sumunod naman si Manoa. Nang makita niya ang lalaki, tinanong niya ito, “Kayo po ba ang nakausap ng aking asawa?”

“Oo,” sagot nito.

12 “Kung magkakatotoo ang sinabi ninyo, ano ang magiging buhay ng bata at ano ang dapat niyang gawin?” tanong ni Manoa.

13 Sumagot ang anghel ni Yahweh, “Kailangang sundin ng asawa mo ang lahat ng sinabi ko sa kanya. 14 Huwag siyang kakain ng anumang mula sa puno ng ubas. Huwag rin siyang iinom ng anumang uri ng alak ni titikim ng anumang ipinagbabawal na pagkain. Kailangan niyang sundin ang lahat ng sinabi ko sa kanya.”

15 “Huwag po muna kayong aalis at ipagluluto ko kayo ng isang batang kambing,” pakiusap ni Manoa.

16 “Huwag mo na akong ipaghanda at hindi ko naman kakainin. Kung gusto mo, sunugin mo na lamang ang kambing na iyon bilang handog kay Yahweh,” sagot ng anghel. Hindi alam ni Manoa na anghel pala ni Yahweh ang kausap niya.

17 Sinabi ni Manoa, “Kung gayo'y sabihin man lang ninyo sa amin ang inyong pangalan para malaman namin kung sino ang pasasalamatan namin sa sandaling magkatotoo itong sinasabi ninyo.”

18 Sinabi ng anghel ni Yahweh, “Bakit gusto pa ninyong malaman ang aking pangalan? Ito'y kamangha-manghang pangalan.”

19 Noon din, si Manoa'y kumuha ng kambing at handog na pagkaing butil. Sinunog niya ang mga ito sa ibabaw ng isang malaking bato bilang handog kay Yahweh, na gumagawa ng kababalaghan.[q] 20 Nang nagliliyab na ang apoy, nakita ng mag-asawang Manoa na ang anghel ay umakyat sa langit sa pamamagitan ng apoy. Nagpatirapa ang mag-asawa, 21 sapagkat noon nila naunawaan na ang nakausap pala nila'y isang anghel ni Yahweh. Hindi na nila muling nakita ang anghel.

22 Makalipas ang ilang sandali, sinabi ni Manoa sa kanyang asawa, “Tiyak na mamamatay tayo sapagkat nakita natin ang Diyos.”

23 Ngunit ang sagot ng kanyang asawa, “Kung papatayin tayo ni Yahweh, hindi sana niya tinanggap ang ating handog. Hindi rin sana niya pinahintulutang masaksihan natin ang lahat ng ito, ni sabihin ang mga narinig natin.”

24 Dumating ang araw at nanganak ang asawa ni Manoa. Lalaki ang sanggol at pinangalanan nilang Samson. Lumaki ang batang patuloy na pinagpapala ni Yahweh. 25 At nagsimulang udyukan ng Espiritu[r] ni Yahweh si Samson at siya'y pinakilos nito sa kampo ng Dan na nasa pagitan ng Zora at ng Estaol.

Nag-asawa si Samson ng Dalagang Taga-Timna

14 Minsan, nagpunta si Samson sa Timna at nakakita siya roon ng isang dalagang Filistea. Nang siya'y umuwi, sinabi niya sa kanyang mga magulang, “Mayroon po akong nakitang isang dalagang Filistea sa Timna. Kunin po ninyo siya para sa akin. Gusto ko siyang mapangasawa.”

“Bakit naman gusto mo pang sa angkan ng mga hindi tuling iyon ka pipili ng mapapangasawa? Wala ka bang mapili sa ating angkan, sa ating mga kababayan?” tanong ng mga ito.

Sumagot si Samson, “Basta siya po ang gusto kong mapangasawa.”

Hindi alam ng mga magulang ni Samson na ang ginagawa niya ay kalooban ni Yahweh upang bigyan ito ng pagkakataong digmain ang mga Filisteo. Ang Israel noon ay nasasakop ng mga Filisteo.

Pumunta si Samson sa Timna kasama ang kanyang mga magulang. Habang dumaraan sa isang ubasan, may isang batang leon na umungal kay Samson. Kaya't pinalakas siya ng Espiritu[s] ni Yahweh at pinatay niya sa pamamagitan lamang ng kanyang mga kamay ang leon na para lamang isang batang kambing. Ngunit hindi niya ito ipinaalam sa kanyang mga magulang.

Pagkatapos ay pinuntahan ni Samson ang dalaga at kinausap. Lalo niya itong nagustuhan. Pagkalipas ng ilang araw, nagbalik siya upang pakasalan na ang babae. Pagdating niya sa pinagpatayan niya ng leon, naisipan niyang tingnan ito. Ang nakita niya'y isang malaking bahay ng pukyutan sa loob ng katawan ng napatay niyang leon. Sinalok niya ng kanyang mga kamay ang pulot at kinain saka nagpatuloy sa kanyang lakad. Pagbalik niya, inuwian pa niya ng pulot ang kanyang mga magulang. Kinain naman nila ito, ngunit hindi alam kung saan galing. Hindi sinabi ni Samson na iyon ay galing sa bangkay ng napatay niyang leon.

10 Pumunta ang ama ni Samson sa bahay ng kanyang mapapangasawa. Tulad ng kaugalian ng mga binata noon, naghanda si Samson doon ng salu-salo. 11 Nang makita siya ng mga Filisteo, siya'y binigyan nila ng tatlumpung abay na kabataang lalaki. 12 Naisipan ni Samson na sila'y bigyan ng palaisipan. Ang sabi niya, “Mayroon akong bugtong. Kapag nahulaan ninyo bago matapos ang pitong araw na handaan, bibigyan ko kayo ng tatlumpung piraso ng pinong lino at tatlumpung magagarang damit. 13 Ngunit kung hindi ninyo ito mahulaan, ako naman ang bibigyan ninyo ng tatlumpung pinong lino at tatlumpung magagarang damit.”

Sumagot sila, “Payag kami.”

14 Sinabi ni Samson,

“Mula sa kumakain ay lumabas ang pagkain;
at mula sa malakas, matamis ay lumabas.”

Tatlong araw na ang nakararaa'y hindi pa nila ito mahulaan.

15 Nang ikaapat na araw,[t] sinabi nila sa asawa ni Samson, “Suyuin mo ang iyong asawa para malaman namin ang sagot sa bugtong niya. Kung hindi, susunugin ka namin at ang iyong pamilya. Inanyayahan ba ninyo kami para mamulubi?”

16 Kaya, lumapit ang babae kay Samson at lumuluhang sinabi, “Hindi mo ako mahal. Nagpapahula ka ng bugtong sa aking mga kaibigan ngunit hindi mo sinasabi sa akin ang sagot.”

Sumagot si Samson, “Kung sa aking mga magulang ay hindi ko ito ipinaalam, sa iyo pa?” 17 Ang babae'y patuloy sa pag-iyak at panunuyo kay Samson sa loob ng pitong araw nilang handaan. Kaya, nang ikapitong araw, sinabi rin niya ang sagot sa bugtong dahil sa kakulitan nito. Ang sinabi ni Samson ay sinabi naman nito sa kanyang mga kaibigan.

18 At bago dumilim nang ikapitong araw, ang mga taga-Timna ay nagpunta kay Samson at kanilang sinabi,

“May tatamis pa ba sa pulot-pukyutan?
At may lalakas pa ba sa leon?”

Sinabi sa kanila ni Samson,

“Kung ang aking asawa'y di ninyo tinakot,
hindi sana nalaman ang tamang sagot.”

19 At si Samson ay pinalakas ng Espiritu[u] ni Yahweh. Nagpunta siya sa Ashkelon at pumatay ng tatlumpung kalalakihan. Kinuha niya ang magagarang kasuotan ng mga ito at ibinigay sa mga nakasagot sa kanyang bugtong. Pagkatapos, umuwi siyang galit na galit dahil sa nangyari. 20 At ang asawa naman niya'y ibinigay sa pangunahing abay na lalaki.

15 Hindi nagtagal at dumating ang panahon ng anihan. Dala ang isang batang kambing, dinalaw ni Samson ang kanyang asawa, ngunit ayaw siyang papasukin ng biyenan niyang lalaki. Sa halip ay sinabi, “Akala ko'y galit na galit ka sa kanya, kaya ibinigay ko siya sa kaibigan mo. Ngunit kung gusto mo, nariyan ang mas batang kapatid niya at mas maganda pa sa kanya. Maaari mo na siyang kunin.”

Sumagot si Samson, “Sa ginawa ninyong iyan, hindi ninyo ako maaaring sisihin sa gagawin ko sa inyong mga Filisteo.” Umalis si Samson at humuli ng tatlong daang asong-gubat. Pinagtatali niya ang mga ito sa buntot nang dala-dalawa at kinabitan ng sulo. Pagkatapos ay sinindihan niya ang sulo at pinakawalan sa triguhan ang mga asong-gubat. Kaya nasunog lahat ang trigo, hindi lamang ang mga naani na kundi pati iyong hindi pa naaani. Ganoon din ang ginawa niya sa taniman ng olibo. Ipinagtanong ng mga Filisteo kung sino ang may kagagawan niyon, at nalaman nilang si Samson, sapagkat ibinigay ng biyenan niyang taga-Timna ang kanyang asawa sa kasamahan ni Samson. Kaya't pinuntahan nila ang babae at sinunog siya pati ang ama nito.[v] Sinabi ni Samson sa mga Filisteo, “Dahil sa ginawa ninyong ito sa akin, hindi ako titigil hangga't hindi ako nakakaganti sa inyo.” Sila'y sinalakay niya at marami ang kanyang napatay. Pagkatapos, umalis siya at tumira muna sa yungib ng Etam.

Nilupig ni Samson ang mga Filisteo

Isang araw, kinubkob ng mga Filisteo ang Juda at sinalakay ang bayan ng Lehi. 10 Nagtanong ang mga taga-Juda, “Bakit ninyo kami sinasalakay?”

“Upang hulihin si Samson at gawin sa kanya ang ginawa niya sa amin,” sagot nila. 11 Kaya't ang tatlong libong kalalakihan ng Juda ay nagpunta sa yungib sa Etam. Tinanong nila si Samson, “Hindi mo ba alam na tayo'y sakop ng mga Filisteo? Bakit mo ginawa ito sa kanila? Pati kami'y nadadamay!”

“Ginantihan ko lang sila sa ginawa nila sa akin,” sagot niya.

12 Sinabi nila, “Naparito kami para gapusin ka! Isusuko ka namin sa mga Filisteo.”

Sumagot si Samson, “Payag ako kung ipapangako ninyong hindi ninyo ako papatayin.”

13 Sinabi nila, “Hindi ka namin papatayin. Gagapusin ka lang namin at ibibigay sa kanila.” Kaya't siya'y ginapos nila ng dalawang bagong lubid at inilabas sa yungib.

14 Pagdating nila sa Lehi, sinalubong sila ng naghihiyawang mga Filisteo. Ngunit si Samson ay pinalakas ng Espiritu[w] ni Yahweh at ang kanyang gapos ay pinatid niya na para lamang nasusunog na sinulid. 15 May nakita siyang panga ng asno. Dinampot niya ito at siyang ginamit sa pagpatay sa may sanlibong Filisteo. 16 Pagkatapos, umawit siya ng ganito:

“Sa pamamagitan ng panga ng asno, pumatay ako ng sanlibo;
sa pamamagitan ng panga ng asno, nakabunton ang mga bangkay ng tao.”

17 Pagkatapos, itinapon niya ang panga ng asno; at ang lugar na iyon ay tinawag na Burol ng Panga.

18 Pagkatapos, si Samson ay nakadama ng matinding uhaw. Kaya tumawag siya kay Yahweh at sinabi, “Pinagtagumpay ninyo ako, ngunit ngayo'y mamamatay naman ako sa uhaw at mabibihag ng mga hindi tuling ito.” 19 Kaya't ang Diyos ay nagpabukal ng tubig sa Lehi. Uminom si Samson at nanumbalik ang kanyang lakas. Ang bukal na iyon ay tinawag niyang Bukal ng Tumawag sa Diyos. Naroon pa ito hanggang ngayon.

20 Si Samson ay naging hukom at pinuno ng Israel sa loob ng dalawampung taon, bagama't sakop pa rin ng mga Filisteo ang lupain ng Israel.

Si Samson sa Gaza

16 Minsan, si Samson ay nagpunta sa Gaza. Doo'y may nakilala siyang isang babaing nagbebenta ng panandaliang-aliw. Siya ay nagpalipas ng gabi roon kasama ang babaing ito. Nalaman ng mga Filisteo na siya'y naroon, kaya't pinaligiran nila ang lugar na iyon, at magdamag na nagbantay sa pasukan ng lunsod. Ipinasya nilang magbantay hanggang umaga upang tiyak na mapatay nila si Samson. Ngunit nang hatinggabi na'y pumunta sa pintuang-bayan si Samson, inalis ang mga pangharang, poste at tarangka. Pinasan niya ang mga ito at dinala sa ibabaw ng gulod sa tapat ng Hebron.

Sina Samson at Delilah

Pagkatapos nito'y umibig naman si Samson sa isang dalagang nakatira sa libis ng Sorek. Siya ay si Delilah. Ang babaing ito'y nilapitan ng limang pinunong Filisteo at kanilang sinabi, “Suyuin mo si Samson para malaman namin kung ano ang lihim ng kanyang lakas at nang mabihag namin siya. Kapag nagawa mo iyan, bawat isa sa ami'y magbibigay sa iyo ng sanlibo't sandaang pirasong pilak.”

Kaya't sinabi ni Delilah kay Samson, “Sabihin mo naman sa akin kung saan nanggagaling ang iyong lakas. Paano ka ba maigagapos at madadaig?”

Sumagot si Samson, “Kapag ako'y ginapos ng pitong sariwang yantok, manghihina ako gaya ng karaniwang tao.”

Sinabi ito ni Delilah sa mga pinunong Filisteo at siya ay binigyan nila ng pitong sariwang yantok na igagapos kay Samson. Samantala, may ilang Filisteo namang nag-aabang sa kabilang silid. Pagkatapos ay sumigaw si Delilah, “Samson, may dumarating na mga Filisteo!” Ang yantok na iginapos kay Samson ay nilagot nito na para lamang nasusunog na sinulid. Kaya, hindi nila nalaman ang lihim ng kanyang lakas.

10 Dahil dito, sinabi ni Delilah, “Niloloko mo lang pala ako. Kasinungalingan lang ang sinasabi mo sa akin. Sabihin mo naman sa akin kung paano ka talaga maigagapos.”

11 Kaya, sinabi ni Samson, “Kapag ako'y ginapos ng bagong lubid na hindi pa nagagamit, manghihina ako gaya ng karaniwang tao.”

12 Kumuha si Delilah ng bagong lubid at ginapos si Samson. Pagkatapos ay sumigaw siya, “Samson, may dumarating na mga Filisteo!” Samantala, may mga lalaking nag-aabang sa kabilang silid. Ngunit ang gapos ni Samson ay nilagot niya na para lamang sinulid.

13 Kaya sinabi uli ni Delilah kay Samson, “Hanggang ngayo'y niloloko mo ako at hindi ka nagsasabi ng totoo. Sabihin mo naman sa akin kung paano ka magagapos.”

Sinabi ni Samson, “Kapag pinag-isa mo ang pitong tirintas ng aking buhok, saka ipinulupot sa isang tulos, manghihina na ako at magiging katulad ng karaniwang tao.”

14 Kaya pinatulog ni Delilah si Samson, at pinag-isa ang pitong tirintas nito. Pagkatapos, ipinulupot niya ito sa isang tulos saka sumigaw, “Samson! May dumarating na mga Filisteo!” Ngunit siya'y gumising at dali-daling kinalas sa tulos ang kanyang buhok.

15 Kaya't sinabi sa kanya ni Delilah, “Ang sabi mo'y mahal mo ako, hindi pala totoo! Tatlong beses mo na akong niloloko. Bakit ayaw mong sabihin sa akin ang lihim ng iyong lakas?” 16 Araw-araw ay iyon ang inuulit-ulit niya kay Samson hanggang sa mainis ito. 17 Kaya, sinabi na niya ang totoo, “Alam mo, mula sa pagkabata'y inilaan na ako sa Diyos bilang isang Nazareo. Ni minsa'y hindi pa nasasayaran ng panggupit ang aking buhok. Kaya, kapag naputol ang aking buhok, hihina akong tulad ng karaniwang tao.”

18 Nabatid ni Delilah na nagsasabi na ng totoo si Samson, kaya ipinatawag niya ang mga haring Filisteo. Ipinasabi niyang nagtapat na si Samson kaya maaari na silang magbalik sa Sorek. Nagbalik nga roon ang mga pinuno, dala ang perang ibabayad kay Delilah. 19 Si Samson naman ay pinatulog ni Delilah sa kanyang kandungan. Nang ito'y mahimbing na, tumawag siya ng isang tao at ginupit ang pitong tirintas ng buhok ni Samson. Nang mawala na ang kanyang kakaibang lakas, ginising ni Delilah si Samson 20 at kanyang sinabi, “Samson! May dumarating na mga Filisteo!” Nagtangkang bumangon si Samson sapagkat akala niya'y makakawala siyang tulad ng dati. Hindi pa niya namamalayang iniwan na siya ni Yahweh. 21 Binihag siya ng mga Filisteo at dinukit ang kanyang mga mata. Siya'y dinala nila sa Gaza, tinalian ng tanikalang tanso at pinagtrabaho sa isang gilingan sa loob ng bilangguan. 22 Samantala, unti-unting humabang muli ang kanyang buhok.

Ang Kamatayan ni Samson

23 Minsan, nagkatipon ang mga haring Filisteo upang magdiwang at maghandog sa diyus-diyosan nilang si Dagon. Sa kanilang pagdiriwang ay umaawit sila ng, “Pinagtagumpay tayo ng ating diyos laban kay Samson na ating kaaway.” 24 Nang siya'y makita ng mga taong-bayan, ang mga ito'y umawit din ng, “Tayo'y pinagtagumpay ng ating diyos laban sa sumira sa ating lupain at pumatay sa marami nating kasamahan.” 25 At sa laki ng kanilang katuwaan, naisipan nilang pagkatuwaan si Samson. Inilabas nila ito sa bilangguan at pinatayo sa pagitan ng dalawang malalaking haligi.

26 Sinabi ni Samson sa batang lalaki na umaakay sa kanya, “Ihawak mo ang aking mga kamay sa mga haligi ng gusaling ito. Gusto kong sumandal doon.” 27 Ang gusali'y napakasikip dahil sa dami ng tao, babae't lalaki, lahat-lahat ay may 3,000. Naroon din ang mga haring Filisteo. Masaya nilang pinagkakatuwaan si Samson.

28 At nanalangin si Samson, “Panginoong Yahweh, mahabag kayo sa akin. Isinasamo kong minsan pa ninyo akong palakasin upang sa pagkakataong ito'y makaganti ako sa mga Filisteo sa pagkadukot nila sa aking mga mata.” 29 Itinukod niya ang kanyang mga kamay sa dalawang haligi sa gitna ng gusali, 30 at malakas na sinabi, “Mamamatay ako ngunit sama-sama tayong mamamatay!” Ibinuhos niya ang kanyang lakas at itinulak ang mga haligi. Gumuho ito at nabagsakan ang mga pinuno at lahat ng Filisteong naroon. Kaya, ang napatay ni Samson sa oras ng kanyang kamatayan ay mas marami pa kaysa noong siya'y nabubuhay.

31 Kinuha ng kanyang mga kapatid at mga kamag-anak ang bangkay ni Samson at inilibing sa puntod ng ama niyang si Manoa, sa pagitan ng Zora at Estaol. Dalawampung taon siyang naging hukom at pinuno ng Israel.

Footnotes

  1. 14 inutusan ni Otniel si Acsa: Sa ibang manuskrito'y inutusan ni Acsa si Otniel .
  2. 16 Amalekita: Sa ibang manuskrito'y tao .
  3. 17 HORMA: Sa wikang Hebreo, ang kahulugan ng salitang ito'y “pagkawasak”.
  4. 5 BOQUIM: Sa wikang Hebreo, ang kahulugan ng salitang ito'y “Nag-iyakan”.
  5. 10 Espiritu: o kaya'y kapangyarihan .
  6. 18 pinatago…sa likod ng tabing: o kaya'y tinakpan ng basahan .
  7. 10 Umawit kayo: o Mag-isip kayo .
  8. 14 libis: Sa ibang manuskrito'y Amalek .
  9. 32 JERUBAAL: Sa wikang Hebreo, ang kahulugan ng salitang ito'y “Hayaan ninyong ipagtanggol ni Baal ang kanyang sarili”.
  10. 34 Espiritu: o kaya'y kapangyarihan .
  11. 19 Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy: o kaya'y Hangga't si Yahweh ay nabubuhay .
  12. 29 Gideon: o kaya'y Jerubaal .
  13. 1 Gideon: o kaya'y Jerubaal .
  14. 16 Dagat na Pula: o kaya'y Dagat ng mga Tambo .
  15. 29 Espiritu: o kaya'y kapangyarihan .
  16. 7 kanyang…sa Gilead: Sa ibang manuskrito'y sa mga bayan ng Gilead .
  17. 19 kababalaghan: Sa ibang manuskrito'y may dagdag na kababalaghan habang nakatingin si Manoa at ang kanyang asawa .
  18. 25 Espiritu: o kaya'y kapangyarihan .
  19. 6 Espiritu: o kaya'y kapangyarihan .
  20. 15 ikaapat na araw: Sa ibang manuskrito'y ikapitong araw .
  21. 19 Espiritu: o kaya'y kapangyarihan .
  22. 6 siya pati ang ama nito: Sa ibang manuskrito'y siya at ang kanyang sambahayan .
  23. 14 Espiritu: o kaya'y kapangyarihan .