Add parallel Print Page Options

Sumama si Timoteo kina Pablo at Silas

16 Siya ay dumating sa Derbe at sa Listra. Narito, isang alagad na nagngangalang Timoteo ang naroroon. Siya ay anak ng isang babaeng Judio na mananampalataya, ngunit ang kaniyang ama ay isang Griyego.

Siya ay kinikilalang may mabuting patotoo sa mga kapatid na nasa Listra at Iconio. Ibig ni Pablo na isama siya. Kinuha niya siya at tinuli alang-alang sa mga Judio na nasa dakong iyon sapagkat nalalaman ng lahat na ang kaniyang ama ay isang Griyego. Sa pagtahak nila sa mga lungsod, ibinigay nila ang mga batas, na pinag­pasiyahan ng mga apostol at ng mga matanda sa Jerusalem na kanilang dapat sundin. Kaya nga, ang mga iglesiya ay naging matibay sa pananampalataya at nadadagdagan ang bilang araw-araw.

 

Nakita ni Pablo sa Isang Pangitain ang Isang Lalaking Taga-Macedonia

Pagdaan nila sa Frigia at sa lalawigan ng Galacia, pinag­bawalan sila ng Banal na Espiritu na mangaral ng salita sa Asya.

Nang dumating sila sa Misia, pinagsikapan nilang makapasok sa Bitinia, ngunit hindi sila pinahintulutan ng Banal na Espiritu. Pagkaraan nila sa Misia, lumusong sila patungong Troas. Isang gabi, si Pablo ay nakakita ng isang pangitain. May isang lalaking taga-Macedonia na nakatayo at namamanhik sa kaniya. Sinasabi nito: Tumawid ka sa Mace­donia at tulungan mo kami. 10 Pagkatapos niyang makita ang pangitain, agad naming sinikap na magtungo sa Macedonia. Buo ang aming paniniwalang tinatawag kami ng Panginoon upang ipangaral ang ebanghelyo sa kanila.

Ang Pagsampalataya ni Lydia Doon sa Filipos

11 Paglayag nga mula sa Troas ay tuwiran kaming naglayag patungo sa Samotracia. Kinabukasan, nagtuloy kami sa Neapolis.

12 Mula roon, nagtuloy kami sa Filipos. Ito ay isang kolonya ng Roma at pangunahing lungsod ng Macedonia. Nanatili kami ng ilang araw sa lungsod na iyon.

13 Nang araw ng Sabat ay lumabas kami ng lungsod, sa tabi ng ilog kung saan ang pananalangin ay kinaugaliang gawin. Kami ay umupo at nakipag-usap sa mga babaeng nagkakatipon. 14 Ang isa sa mga babae na naroroon ay mula sa lungsod ng Tiatira. Ang pangalan niya ay Lydia. Siya ay mangangalakal ng telang kulay ube. Siya ay sumasamba sa Diyos at nakinig sa amin. Binuksan ng Panginoon ang kaniyang puso upang kani­lang pahalagahan ang mga bagay na sinabi ni Pablo. 15 Nang siya at ang kaniyang sambahayan ay mabawtismuhan na, namanhik siya sa amin. Kung ako ay ibinibilang ninyong tapat sa Panginoon, tumuloy kayo sa aking bahay at kayo ay manatili roon. At nahimok niya kami.

Si Pablo at Silas sa Bilangguan

16 Nangyari na nang kami ay patungo sa pook-dalanginan, sinalubong kami ng isang dalagitang may espiritu ng panghuhula. Malaki ang kinikita ng kaniyang mga panginoon sa pamamagitan ng kaniyang panghuhula.

17 Siya ay sumunod kay Pablo at sa amin. Sumisigaw siya na sinasabi: Ang mga lalaking ito ay mga alipin ng Kataas-taasang Diyos. Ipina­ngangaral nila sa atin ng daan ng kaligtasan. 18 Maraming araw na ginagawa niya ang ganito. Ngunit si Pablo, na nabagabag, ay humarap at sinabi sa espiritu: Iniutos ko sa iyo sa pangalan ni Jesucristo, lumabas ka sa kaniya. At ito ay lumabas agad sa oras ding iyon.

19 Ngunit nang makita ng kaniyang mga panginoon na wala na silang pag-asang kumita sa pamamagitan niya, hinuli nila sina Pablo at Silas. Kinaladkad nila sila sa pamilihang dako, sa harapan ng mga may kapangyarihan. 20 Nang maiharap na sila sa mga hukom, sinabi nila: Ang mga lalaking ito, bilang mga Judio, ay lubos na nanggugulo sa ating lungsod. 21 Sila ay nagpapahayag ng mga kaugaliang hindi natin nararapat na tanggapin o gawin bilang mga taga-Roma.

22 Sama-samang tumindig ang karamihan laban sa kanila. Hinapak ng mga hukom ang kanilang mga damit. Kanilang iniutos na sila ay paluin ng mga pamalong kahoy. 23 Nang masugatan na nila sila nang marami, inihagis nila sila sa bilangguan. Iniutos sa punong-bantay ng bilangguan na bantayan silang mabuti. 24 Nang tanggapin nito ang gayong utos, inihagis nila sila sa kaloob-looban ng bilangguan. Inilagay ang kanilang mga paa sa mga pamiit na napakasakit.

25 Nang maghahating-gabi na, sina Pablo at Silas ay nana­langin at umaawit ng papuri sa Diyos. Sila ay pinapakinggan ng mga bilanggo. 26 Bigla na lamang nagkaroon ng isang malakas na lindol. Anupa’t umuga ang mga patibayan ng bilangguan. Kaagad ay nabuksan ang lahat ng mga pinto at nakalas ang mga gapos ng bawat isa. 27 Ang punong-bantay ng bilangguan ay nagising sa pagkakatulog. Nang makita niyang bukas ang mga pinto ng bilangguan, binunot niya ang kaniyang tabak. Magpapa­kamatay na sana siya sa pag-aakalang nakatakas na ang mga bilanggo. 28 Ngunit si Pablo ay sumigaw ng malakas na sinabi: Huwag mong saktan ang iyong sarili sapagkat naririto kaming lahat.

29 Siya ay humingi ng mga ilaw at tumakbo sa loob. Siya ay nanginginig na nagpatirapa sa harapan nina Pablo at Silas. 30 Inilabas niya sila at sinabi: Mga ginoo, ano ang kina­kailangan kong gawin upang maligtas?

31 Sinabi nila: Sumampalataya ka sa Panginoong Jesucristo at maliligtas ka, ikaw at ang iyong sambahayan. 32 Sinalita nila sa kaniya ang salita ng Panginoon at gayundin sa lahat ng nasa kaniyang bahay. 33 Sila ay kinuha niya sa oras ding iyon ng gabi. Hinugasan ang kanilang mga sugat. Kaagad ay binawtis­muhan siya at ang buo niyang sambahayan. 34 Dinala niya sila sa kaniyang bahay. Hinainan niya sila ng pagkain at nagalak din ang buo niyang sambahayan sapagkat sila ay sumam­palataya sa Diyos.

35 Nang umaga na, ang mga hukom ay nagsugo ng mga sarhento. Sinabi nila: Pakawalan mo ang mga lalaking iyan. 36 Ang punong-bantay ng bilangguan ay nag-ulat kay Pablo ng mga salitang ito: Nagsugo ang mga pinuno na kayo ay pakawalan. Lumabas nga kayo ngayon at humayo kayong payapa.

37 Ngunit sinabi ni Pablo sa kanila: Pinalo nila kami sa hayag na hindi nahatulan. Bagaman kami ay mga mamama­yang Romano, inihagis nila kami sa bilangguan. Ngayon ay palihim nila kaming palalayain. Hindi. Kinakailangang sila mismo ang pumarito at pakawalan nila kami.

38 Iniulat ng mga sarhento ang mga salitang ito sa mga hukom. Natakot sila nang marinig nila na sila ay mga Romano. 39 Sila ay pumaroon at namanhik sa kanila. Nang mailabas na nila sila, hiniling nila sa kanila na lumabas sa lungsod. 40 Sila ay lumabas sa bilangguan at nagpunta sa bahay ni Lydia. Nang makita nila ang mga kapatid, pinatibay nila ang kalooban ng mga kapatiran at sila ay umalis.