Add parallel Print Page Options

Dumating ang Banal na Espiritu ng Araw ng Pentecostes

Nang sumapit ang araw ng Pentecostes, silang lahat ay nasa iisang pook na nagkakaisa.

Sila ay nakaupo sa loob ng isang bahay. Biglang may umugong mula sa langit tulad ng humahagibis na marahas na hangin at pinuno nito ang buong bahay. May nagpakita sa kanila na nagkakabaha-bahaging mga dila tulad ng apoy at ito ay lumapag sa bawat isa sa kanila. At silang lahat ay napuspos ng Banal na Espiritu at nagsimulang magsalita sa ibang mga wika ayon sa ibinigay ng Espiritu sa kanila na kanilang sasabihin.

Sa Jerusalem ay may mga Judiong naninirahan ng mga panahong iyon. Sila ay mga lalaking palasamba sa Diyos na mula sa bawat bansa sa ilalim ng langit. Nang marinig nila ang usap-usapan ng kanilang pagsasalita, maraming tao ang sama-samang pumunta at sila ay nabalisa sapagkat narinig nila ang mga apostol na nagsasalita sa sariling wika ng mga nakikinig. Ang lahat ay namangha at nagtaka. Sinabi nila sa isa’t isa: Narito, hindi ba ang lahat ng mga nagsasalitang ito ay mga taga-Galilea? Papaanong nangyari na naririnig natin ang bawat isa sa kanila na nagsasalita ng sarili nating wika na ating kinagisnan? Tayo ay taga-Partia, taga-Media at taga-Elam. May mga naninirahan sa Mesopotamia, sa Judea at sa Capadocea. May mga naninirihan sa Pontus at sa Asya. 10 May mga naninirahan sa Frigia, sa Pamfilia, sa Egipto at sa mga bahagi ng Libya na nasa palibot ng Cerene. May mga dumalaw na mula sa Roma, kapwa mga Judio at mga naging Judio. 11 May mga taga-Creta at taga-Arabya. Sa sarili nating mga wika ay naririnig natin silang nagsasalita ng mga dakilang bagay ng Diyos. 12 Lahat ay namangha at nalito. Sinabi nila sa isa’t isa: Ano kaya ang ibig sabihin nito?

13 Ang iba ay nangungutyang nagsabi: Sila ay mga lango sa bagong alak.

Nagsalita si Pedro sa Maraming Tao

14 Ngunit si Pedro ay tumayo kasama ng labing-isa. Nilakasan niya ang kaniyang tinig at nagsalita siya sa kanila: Mga lalaking taga-Judea at kayong lahat na naninirahan sa Jerusalem, alamin ninyo ito at makinig sa aking mga salita.

15 Sila ay hindi mga lasing tulad ng inaakala ninyo sapagkat ika-tatlo pa lamang ang oras ngayon. 16 Subalit ito ang sinabi ng propetang si Joel:

17 Mangyayari sa mga huling araw, sabi ng Diyos: Ibubuhos ko ang aking Espiritu sa lahat ng mga tao. Ang inyong mga anak na lalaki at mga anak na babae ay maghahayag ng salita ng Diyos. Ang inyong mga kabataang lalaki ay makakakita ng mga pangitain. Ang inyong mga matandang lalaki ay mananaginip ng mga panaginip. 18 Sa mga araw na iyon, ibubuhos ko ang aking Espiritu sa aking mga aliping lalaki at mga aliping babae. At sila ay maghahayag ng salita ng Diyos. 19 Magpapa­kita ako ng mga kamangha-manghang gawa sa langit na nasa itaas at mga tanda sa lupa na nasa ibaba. Ang mga tanda na ito ay ang dugo, apoy at sumisingaw na usok. 20 Ang araw ay magiging kadiliman at ang buwan ay magiging dugo. Ito ay mangyayari bago dumating ang dakila at hayag na araw ng Panginoon. 21 Mang­yayari na ang bawat isang tatawag sa pangalan ng Panginoon ay maliligtas.

22 Mga lalaking taga-Israel, pakinggan ninyo ang mga salitang ito: Si Jesus na taga-Nazaret ay isang lalaking pinagtibay ng Diyos sa inyo sa pamamagitan ng mga himala at mga kamangha-manghang gawa at mga tanda. Ang mga ito ay ginawa ng Diyos sa inyong kalagitnaan sa pamamagitan niya, katulad ng inyong pagkaalam. 23 Siya rin na ibinigay ng napagpasiyahang-layunin at kaalamang una ng Diyos ay inyong dinakip. Sa pamamagitan ng iyong mga kamay na walang kinikilalang kautusan ng Diyos ay ipinako ninyo siya sa krus at pinatay. 24 Siya ang ibinangon ng Diyos sa pagkakalag ng matinding hirap ng kamatayan sapagkat hindi siya maaring pigilin ng kamatayan. 25 Ito ay sapagkat si David nga ay nagsabi ng patungkol sa kaniya:

Nakita ko nang una ang Panginoon sa harapan ko sa lahat ng panahon. Dahil siya ay nasa aking kanang kamay, hindi ako makilos.

26 Kaya nga, ang puso ko ay nasiyahan at ang dila ko ay lubhang nagalak. Gayundin ang aking katawan ay magpapahingalay sa pag-asa. 27 Ito ay sapagkat hindi mo iiwanan ang aking kaluluwa sa Hades. Hindi mo rin pahihintu­lutan naang iyong Banal ay makakita ng kabulukan. 28 Ipinakita mo sa akin ang mga landas ng buhay. Pupunuin mo ako ng kagalakan sa pamamagitan ng anyo ng iyong mukha.

29 Mga kapatid, hayaan ninyo akong magsalita ng malaya patungkol sa ating dakilang ninunong si David. Siya ay namatay at inilibing at hanggang sa araw na ito, ang kaniyang libingan ay narito sa atin. 30 Siya nga ay isang propeta at alam niya ang sinumpaang pangako ng Diyos sa kaniya. Ipinangako sa kaniya na mula sa bunga ng kaniyang katawan ayon sa laman ay ititindig niya ang Mesiyas upang iluklok sa kaniyang trono. 31 Dahil nakita na niya ito nang una pa kaya nagsalita siya patungkol sa pagkabuhay muli ng Mesiyas. Sinabi niya na ang kaniyang kaluluwa ay hindi pinabayaan sa Hades ni nakakita ng kabulukan ang kaniyang katawan. 32 Ang Jesus na ito ay muling binuhay ng Diyos at kaming lahat ay mga saksi. 33 Siya ay itinaas upang mapasa kanang kamay ng Diyos. Sa pagtanggap niya mula sa Ama ng pangako ng Banal na Espiritu, ito na ngayon ay inyong nakikita at naririnig ay kaniyang ibinuhos. 34 Ito ay sapagkat si David nga ay hindi umakyat sa langit ngunit siya ang nagsabi:

Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon: Maupo ka sa kanang bahagi ko.

35 Maupo ka riyan hanggang sa ang mga kaaway mo ay mailagay ko sa ilalim ng iyong mga paa tulad ng isang tuntungan.

36 Alamin ngang may katiyakan ng lahat ng sambahayan ni Israel na ginawa ng Diyos, itong si Jesus na inyong ipinako sa krus, na Panginoon at Mesiyas.

37 Nang marinig nga nila ito, nabagabag ang kanilang mga puso. Sinabi nila kay Pedro at sa ibang mga apostol: Mga kapatid, ano ang gagawin namin?

38 Sinabi ni Pedro sa kanila: Magsisi kayo at magpa­bawtismo sa pangalan ni Jesucristo patungkol sa pagpapatawad ng inyong mga kasalanan. At tatanggapin ninyo ang kaloob na Banal na Espiritu. 39 Ito ay sapagkat ang pangakong ito ay para sa inyo at sa inyong mga anak at sa lahat ng nasa malayo gaano man karami ang tawagin ng ating Panginoon Diyos.

40 Siya ay nagpatotoo at nangaral pa sa kanila sa pamamagitan ng marami pang ibang mga salita. Sinabi niya sa kanila: Iligtas ninyo ang inyong mga sarili sa likong lahing ito. 41 Kaya ang mga tumanggap ng kaniyang salita na may kasiyahan ay nabawtismuhan. At sa araw na iyon, nadagdag sa kanila ang may tatlong libong kaluluwa.

Ang Pagsasama-sama ng mga Mananampalataya

42 Sila ay matatag na nagpatuloy sa turo ng mga apostol, sa pagkikipag-isa, sa pagpuputul-putol ng tinapay, at sa mga pananalangin.

43 Nagkaroon ng takot sa bawat kaluluwa. At maraming mga kamangha-manghang gawa at mga tanda ang nangyari sa pamamagitan ng mga apostol. 44 Ang lahat ng mga mananampalataya ay magkakasama at nagbabahaginan sa lahat ng mga bagay. 45 Ipinagbili nila ang kanilang mga pag-aari at mga tinatangkilik at ipinamahagi sa sinumang may panganga­ilangan. 46 Sila ay matatag na nagpatuloy sa templo araw-araw na nagkakaisa. Sila ay nagpuputul-putol ng tinapay sa kanilang mga bahay at tumatanggap ng pagkain na may kasiyahanat kababaang-loob. 47 Sila ay nagpupuri sa Diyos at kina­luluguran ng lahat ng mga tao. Idinagdag ng Panginoon sa kapulungan araw-araw ang mga naliligtas.

Ang Pagdating ng Banal na Espiritu

Pagsapit ng Araw ng Pentecostes,[a] nagtitipon silang lahat sa isang lugar. Biglang nagkaroon ng isang ugong mula sa langit, gaya ng isang napakalakas na hangin, at napuno nito ang bahay na kanilang kinaroroonan. May nakita silang tila mga dilang apoy na nahahati at lumapag sa bawat isa sa kanila. Napuspos silang lahat ng Banal na Espiritu, at nagsalita sa iba't ibang wika, ayon sa kakayahang magpahayag na ipinagkaloob sa kanila ng Espiritu. Naninirahan noon sa Jerusalem ang mga Judiong masigasig sa kanilang pananampalataya. Galing pa sila sa iba't ibang mga bansa. Nang dumating ang ugong na ito, nagtipon sila at namangha sapagkat nagsasalita ang mga alagad sa mga wika nilang mga nakikinig. Labis silang nagulat at namangha, kaya't sila'y nagtanong, “Pakinggan ninyo! Hindi ba mga taga-Galilea ang lahat ng mga nagsasalitang ito? Paanong nangyaring naririnig ng bawat isa sa atin ang ating mga sariling wika sa kanila? Tayong mga Parto, mga Medo, mga Elamita, mga naninirahan sa Mesopotamia, sa Judea, at sa Capadocia, sa Ponto at sa Asia. 10 Mayroon din sa ating taga-Frigia at Pamfilia, sa Ehipto at sa mga lupain ng Libya na sakop ng Cirene, at mga panauhing taga-Roma, mga Judio at mga nahikayat maging Judio. 11 May mga taga-Creta at taga-Arabia rin dito. Paano sila nakapagsasalita sa ating mga sariling wika tungkol sa mga kamangha-manghang gawa ng Diyos?” 12 Namangha sila at nalito, kaya sila'y nagtanungan, “Ano ang kahulugan nito?” 13 Ngunit ang iba nama'y may pangungutyang nagsabi, “Lasing ang mga iyan.” 14 Kaya't tumayo si Pedro, kasama ang labing-isa, at nagpahayag sa malakas na tinig, “Mga kababayan kong Judio at mga naninirahan sa Jerusalem, unawain ninyo ito at makinig kayong mabuti sa sasabihin ko. 15 Hindi lasing ang mga taong ito, gaya ng akala ninyo. Ngayo'y ikasiyam pa lang ng umaga.[b] 16 Sa halip, ang pangyayaring ito'y katuparan ng sinabi ni propeta Joel:

17 ‘Ito ang mangyayari sa mga huling araw, sabi ng Diyos,
ibubuhos ko sa lahat ng tao ang aking Espiritu;
    magpapahayag ang inyong mga anak na lalaki at babae ng mensahe mula sa Diyos,
makakakita ng pangitain ang inyong mga kabataang lalaki,
    mananaginip ang inyong mga matatandang lalaki,
18 maging sa mga aliping lalaki at babae,
    sa mga araw na iyon ay ibubuhos ko ang aking Espiritu,
    at sila'y magpapahayag.
19 Magpapakita ako ng mga kababalaghan sa langit,
    at ng mga tanda sa lupa;
    dugo, apoy, at makapal na usok.
20 Magdidilim ang araw,
    at magkukulay-dugo ang buwan,
    bago sumapit ang dakila at maningning na Araw ng Panginoon.
21 At mangyayari na sinumang tumawag sa pangalan ng Panginoon ay maliligtas.’

22 “Pakinggan ninyo ito, mga Israelita. Itong si Jesus na taga-Nazareth ay pinatunayan sa inyo ng Diyos sa pamamagitan ng mga himala, mga kababalaghan at mga tandang ginawa ng Diyos sa pamamagitan niya. Alam ninyo ito sapagkat naganap ang mga ito sa gitna ninyo. 23 Sa mula't mula pa'y alam na at ipinasya na ng Diyos na ibigay sa inyo si Jesus. At ipinako ninyo siya sa krus at ipinapatay sa mga makasalanan. 24 Subalit ang Diyos ang muling bumuhay sa kanya, at nagpalaya sa kanya mula sa pagdurusa ng kamatayan, dahil wala naman itong kakayahang maghari sa kanya. 25 Gaya nga ng sinabi ni David tungkol sa kanya:

‘Noon pa'y nakita kong lagi kong kapiling ang Panginoon;
    Siya'y kasama ko[c] kaya't hindi ako matitinag.
26 Dahil dito'y nagalak ang aking puso at sa dila ko'y nag-umapaw ang tuwa,
    at ang aking katawan ay mabubuhay sa pag-asa.
27 Sapagkat ang kaluluwa ko'y hindi mo hahayaan sa kamatayan[d];
    o ipahihintulot man lang na ang iyong Banal ay makaranas ng kabulukan.
28 Ipinakita mo sa akin ang mga daan ng buhay,
    at sa piling mo'y mapupuno ako ng kagalakan.’

29 Mga kapatid, buong katiyakang sasabihin ko sa inyo na ang ating ninunong si David ay namatay at inilibing. At ang libingan niya'y nasa atin hanggang ngayon. 30 Palibhasa'y propeta si David noong nabubuhay pa, nalalaman niya ang taimtim na pangako sa kanya ng Diyos: na magiging haring tulad niya ang isa mula sa kanyang angkan. 31 Nakita na at ipinahayag na ni David na muling bubuhayin ng Diyos ang Cristo nang kanyang sabihin:

    ‘Hindi siya pinabayaan sa daigdig ng mga patay; ni ang katawan niya'y makaranas ng kabulukan.’

32 Ngayon, kaming lahat ay mga saksi na ang Jesus na ito ay muling binuhay ng Diyos. 33 Dahil iniluklok siya sa kanan ng Diyos, at tinanggap niya mula sa Ama ang ipinangakong Banal na Espiritu, nakikita at naririnig ninyo ito na ibinuhos sa amin ngayon. 34 Sapagkat hindi si David ang umakyat sa langit, subalit sinabi niya: Ang Panginoon ang nagsabi sa aking Panginoon: ‘Maupo ka sa aking kanan, 35 hanggang mailagay ko sa ilalim ng iyong mga paa ang iyong mga kaaway.’ 36 Kaya't dapat malaman ng buong sambahayan ng Israel, na itong si Jesus na inyong ipinako sa krus ay itinalaga ng Diyos na Panginoon at Cristo.” 37 Nabagabag ang kanilang kalooban nang marinig nila ang sinabi ni Pedro, kaya't nagtanong sila kay Pedro at sa ibang mga apostol, “Mga kapatid, ano ang dapat naming gawin?” 38 Sumagot si Pedro, “Talikuran ninyo ang inyong kasalanan at magpabautismo kayo sa pangalan ni Jesu-Cristo upang patawarin kayo, at tatanggapin ninyo ang kaloob ng Banal na Espiritu. 39 Sapagkat para sa inyo ang pangako, at para sa inyong mga anak, at sa lahat ng nasa malayo, at sa lahat ng tatawagin ng ating Panginoong Diyos tungo sa kanya.” 40 Marami pang sinabi si Pedro bilang patunay upang sila'y himukin. Nakiusap siya sa kanila, “Iligtas ninyo ang inyong mga sarili mula sa masamang lahing ito.” 41 Kaya't nagpabautismo ang tumanggap sa kanyang sinabi. At nang araw na iyon, may tatlong libong katao ang nadagdag sa mga alagad. 42 Masigasig silang nanatili sa mga turo ng apostol, sa pagsasama-sama bilang magkakapatid, sa pagpuputul-putol ng tinapay, at sa pananalangin.

Ang Buhay ng Magkakapatid

43 Naghari sa lahat ang takot, at maraming kababalaghan at himala ang naganap sa pamamagitan ng mga apostol. 44 At (A) nagsama-sama ang lahat ng mga mananampalataya at ibinahagi ang kanilang mga ari-arian para sa lahat. 45 Ipinagbili nila ang kanilang mga ari-arian at mga kayamanan at ang napagbilhan ay ipinamahagi sa lahat, ayon sa pangangailangan ng bawat isa. 46 Araw-araw silang nagsasama-sama sa templo, at nagpuputul-putol ng tinapay sa bahay-bahay. Ginagawa nila ang mga ito nang may galak at bukás na kalooban. 47 Habang nagpupuri sila sa Diyos at kinalulugdan ng lahat ng mga tao, ay araw-araw namang idinaragdag ng Panginoon sa kanila ang kanyang mga inililigtas.

Footnotes

  1. Mga Gawa 2:1 Pentecostes: Limampung Araw ito matapos ang Paskuwa, isang panahon kung saan ipinagdiriwang ng mga Judio ang Pista ng Mga Ani. Tingnan ang Ex. 23:16; 34:22; Lev. 23:15-21; Deut. 16:9-12.
  2. Mga Gawa 2:15 Sa Griyego, ikatlong oras.
  3. Mga Gawa 2:25 Sa Griyego, nasa kanan ko.
  4. Mga Gawa 2:27 Sa Griyego, sa Hades, lugar ng kamatayan.