Add parallel Print Page Options

Nagplano si Haman na Lipulin ang mga Judio

Pagkatapos ng mga pangyayaring ito, itinaas ni Haring Ahasuerus sa tungkulin si Haman na anak ni Hamedata na Agageo.[a] Ginawa siyang pinakamataas na pinuno sa kaharian niya. Inutusan niya ang lahat ng opisyal na yumukod kay Haman bilang paggalang sa kanya. Pero ayaw yumukod ni Mordecai. Tinanong siya ng ibang pinuno kung bakit hindi niya sinusunod ang utos ng hari. At sinabi niyang isa siyang Judio.[b] Araw-araw, hinihikayat siya ng mga kapwa niya pinuno na yumukod kay Haman pero ayaw pa rin niyang sumunod. Dahil dito, isinumbong nila kay Haman si Mordecai para malaman nila kung pababayaan na lang siya sa ginagawa niya, dahil sinabi niyang isa siyang Judio.

Nang makita ni Haman na hindi yumuyukod sa kanya si Mordecai para magbigay galang, nagalit siya ng labis. At nang malaman pa niyang si Mordecai ay isang Judio, naisip niyang hindi lang si Mordecai ang ipapapatay niya kundi pati na ang lahat ng Judio sa buong kaharian ni Haring Ahasuerus. Nang buwan ng Nisan, ang unang buwan ng taon, noong ika-12 taon ng paghahari ni Ahasuerus, nag-utos si Haman na magpalabunutan para malaman kung ano ang tamang araw at buwan para ipatupad ang plano niya. (Ang ginagamit nila sa palabunutan ay tinatawag nilang “pur”.) At ang nabunot ay ang ika-13 araw ng[c] ika-12 buwan, ang buwan ng Adar.

Sinabi ni Haman kay Haring Ahasuerus, “Mahal na Hari, may isa pong grupo ng mga tao na naninirahan sa ibaʼt ibang probinsya ng inyong kaharian at may mga sarili po silang kautusan na iba kaysa sa ibang bansa. Hindi sila sumusunod sa mga kautusan ninyo at hindi ito makakabuti para sa inyo kung pababayaan na lang sila. Kung gusto ninyo, Mahal na Hari, mag-utos kayo na patayin silang lahat. At magbibigay po ako ng 350 toneladang pilak sa mga pinuno ng inyong kaharian, at ilalagay nila ito sa taguan ng kayamanan ng hari.”

10 Pagkatapos, kinuha ng hari ang kanyang singsing na pantatak,[d] at ibinigay kay Haman na anak ni Hamedata na Agageo, ang kalaban ng mga Judio. 11 Sinabi ng hari sa kanya, “Sa iyo na lang ang pera mo, pero gawin mo ang gusto mong gawin sa mga Judio.” 12 Kaya noong ika-13 araw ng unang buwan, ipinatawag ni Haman ang lahat ng kalihim ng hari. Nagpagawa siya ng sulat sa kanila para sa mga gobernador ng mga probinsya, mga pinuno ng mga bayan at sa iba pang mga pinuno sa buong kaharian, sa kanilang sariling wika. Ang sulat ay ginawa sa pangalan ni Haring Ahasuerus at tinatakan ng singsing nito. 13 Ang sulat na iyon ay ipinadala sa lahat ng probinsya ng kaharian sa pamamagitan ng mga mensahero. Nakasulat dito ang utos na sa loob lang ng isang araw ay papatayin ang lahat ng Judio: bata, matanda, lalaki at babae, at sasamsamin ang lahat ng ari-arian nila. Gagawin ito sa ika-13 araw ng ika-12 buwan, ang buwan ng Adar.

14-15 Sa utos ng hari, mabilis na nagsialis ang mga mensahero para ihatid sa bawat probinsya ang kopya ng kautusan ng hari, at ipinaalam ito sa mga tao para makapaghanda sila para sa araw ng pagpatay sa lahat ng Judio. At ang utos na itoʼy ipinaalam din sa lungsod ng Susa. Habang nakaupo at nag-iinuman ang hari at si Haman, nagkakagulo naman ang lungsod ng Susa dahil sa mga nangyayari.

Footnotes

  1. 3:1 Agageo: Angkan ni Agag. Si Agag ay hari na lumaban sa mga Judio noon. (Tingnan ang 1 Sam. 15:1-33.)
  2. 3:4 Maaaring ayaw yumukod ni Mordecai kay Haman dahil itinuturing ni Haman na dios ang sarili, at ang isang Judio na tapat sa pananampalataya niya ay hindi yuyukod sa dahilang ito.
  3. 3:7 ika-13 araw ng: Tingnan ang talatang 13.
  4. 3:10 singsing na pantatak: Ibinigay ito ng hari kay Haman para matatakan niya ang kautusan na isusulat at ipapamigay sa mga tao. (Tingnan ang talatang 12.)