Add parallel Print Page Options

Pinupuri kita sapagkat ipinagtanggol mo ako at inalalayan,
    iniligtas sa kamatayan sa bitag ng dilang makamandag
    at sa mga labing lumilikha ng kasinungalingan;
tinulungan mo ako laban sa aking mga kaaway.
Sinaklolohan mo ako alang-alang sa iyong habag at banal na pangalan,
    at iniligtas sa mga ngipin ng mga leong nag-aabang upang ako'y lamunin,
sa mga kamay ng mga naghahangad kumitil ng aking buhay,
    at sa maraming kagipitang aking kinasuungan.
Iniligtas mo ako sa apoy na nasa aking paligid,
    sa gitna ng apoy na hindi naman ako ang nagpaningas.
Hinango mo ako sa kalaliman ng bangin ng kamatayan,
    iniligtas mo ako sa dilang marumi at sinungaling,
    na nagpaparatang sa akin sa harapan ng hari.
Ang buhay ko'y nabingit sa kamatayan,
    ang kaluluwa ko'y nasa labi na ng Hades.

Read full chapter

Ganyan din ang dila ng tao; maliit na bahagi lamang ng katawan, ngunit napakalaki ng mga ipinagyayabang.

Isipin na lamang ninyo kung paano napapalagablab ng isang maliit na apoy ang isang malawak na kagubatan. Ang(A) dila ay parang apoy, isang daigdig ng kasamaang nagpaparumi sa ating buong pagkatao. Ang apoy nito ay mula sa impiyerno at sinusunog ang lahat sa buhay ng tao. Lahat ng uri ng ibon at hayop na lumalakad, o gumagapang, o nakatira sa tubig ay kayang paamuin, at napaamo na ng tao, ngunit wala pang nakakapagpaamo sa dila. Ito ay kasamaang hindi mapigil, at puno ng kamandag na nakamamatay. Ito(B) ang ginagamit natin sa pagpupuri sa ating Panginoon at Ama, at ito rin ang ginagamit natin sa panlalait sa taong nilalang na kalarawan ng Diyos. 10 Sa iisang bibig nanggagaling ang pagpupuri at panlalait. Hindi ito dapat mangyari, mga kapatid. 11 Hindi lumalabas sa iisang bukal ang tubig-tabang at tubig-alat. 12 Mga kapatid, hinding-hindi makakapamunga ng olibo ang puno ng igos, o ng igos ang puno ng ubas, at lalong hindi rin bumubukal ang tubig-tabang sa bukal ng tubig-alat.

Read full chapter