Add parallel Print Page Options

Nagapi ni Judas Macabeo ang mga Idumeo(A)

14 Pagkamatay ni Tolomeo, naging gobernador ng lupaing Edom si Gorgias. Kumuha ito ng mga kawal na bayaran at kapag nagkakaroon ng pagkakataon ay nilulusob niya ang mga Judio. 15 Kasabay nito, ang mga Edomita naman mula sa kanilang matitibay na tanggulan ay patuloy na nanggigipit sa mga Judio. Tinanggap nila ang mga takas na rebelde mula sa Jerusalem at hindi tinigilan ang pakikipaglaban sa mga Judio. 16 Sa kabilang dako, si Judas Macabeo at ang pangkat niya ay nanalangin upang tulungan sila ng Diyos, pagkatapos ay agad nilang sinalakay ang tanggulan ng mga Edomita. 17 Hindi nila nilubayan ang pagsalakay hanggang sa napasakamay nila ang mga tanggulan ng kaaway. Lahat ng makitang kaaway ay pinatay; umabot sa bilang na dalawampung libo ang mga kaaway na napatay.

18 May 9,000 nagkubli sa dalawang napakatibay na tore na may sapat na pagkain at kagamitan sakali mang sila ay kubkubin. 19 Upang hindi makatakas ang mga ito, itinalaga ni Judas Macabeo sina Simon at Jose at pinatulungan pa sa pangkat ni Zaqueo para kubkubin ang mga tanggulan. Si Judas ay umalis at nagpunta sa lugar na lalo siyang kailangan. 20 Sa pangkat ni Simon ay may ilang mga tao na mukhang pera. Nilapitan sila ng mga kaaway mula sa tanggulan at inalok ng 140 librang pilak para pabayaan silang makatakas. 21 Ang ganitong pagtataksil ay nakarating kay Judas. Tinawag niya ang mga pinuno, at ang mga nagtaksil ay isinakdal niya sa kasalanang pagbibili ng mga kababayan sapagkat pinatakas nila ang mga kaaway para maipagpatuloy ang paglaban sa kanila. 22 Ipinapatay niya ang mga taksil, at sinalakay agad ang dalawang tanggulan. 23 Nagtagumpay na naman siya, at sa dalawang tanggulang iyon ay mahigit na dalawampung libong kaaway ang kanilang napatay.

Tinalo ni Judas si Timoteo

24 Si Timoteo ay minsan nang natalo ng mga Judio. Kaya't upang makaganti, nagtipon siya ng isang malaking hukbo ng upahang kawal. Kabilang din ang isang malaking hukbong nakakabayo mula sa Asia. Nang handa na ang lahat, umalis sila para salakayin ang Judea. 25 Habang papalapit ang mga kaaway, si Judas at ang kanyang pangkat naman ay nanalangin sa Diyos. Nagdamit sila ng panluksa, naglagay ng abo sa ulo, 26 at nagpatirapa sa harap ng altar. Hiniling nila na kahabagan sila ng Panginoon at tulungan sa paglaban sa kanilang kaaway, gaya ng ipinangako niya sa Kautusan.

27 Pagkatapos manalangin, kinuha nila ang kanilang mga sandata, lumabas ng lunsod, at humimpil kinagabihan sa pook na malapit sa mga kaaway. 28 Pagsikat ng araw, nagsagupa ang dalawang hukbo; ang isa'y umasang magtatagumpay hindi lamang sa kanilang tapang kundi sa tulong ng Panginoon, samantalang ang isa'y nagtitiwala lamang sa sariling kakayahan. 29 Sa gitna ng nag-aalimpuyong labanan, isang pangitain mula sa langit ang nakita ng mga kaaway. Nakita nila na may limang lalaking nakasakay sa mga kabayong may rendang ginto ang nangunguna sa lumalabang mga Judio. 30 Pinalibutan nila si Judas para hindi masaktan, mismong baluti nila ang ginawang pananggalang nito. Pinauulanan nila ng palaso at malalaking bato ang mga kaaway. Nalito at nabulag ang mga iyon, kaya't nagulo ang kanilang pangkat at nagkawatak-watak. 31 Napatay sa kanila sa labanang iyon ang 20,500 mga kawal na lakad at 600 mangangabayo.

32 Si Timoteo ay nakatakas papunta sa napapaderang muog sa Gezer, na pinamumunuan ni Quereas. 33 Apat na araw itong kinubkob nina Judas.

Read full chapter

Mga Tagumpay ni Judas sa Gilead(A)

10 Lumakad sina Judas upang harapin naman si Timoteo. Halos isang milya pa lamang ang kanilang nalalakad mula roon nang salakayin sila ng isang pangkat ng mga Arabo na di kukulangin sa limanlibong kawal, bukod pa sa limandaang mangangabayo. 11 Naging mahigpitan ang kanilang paglalaban, ngunit sa tulong ng Diyos, nagtagumpay sina Judas. Ang nagaping mga Arabo ay nagsumamong makipagkaibigan sa mga Judio. Nangako silang magbibigay ng mga baka at tutulong sa mga Judio sa iba pang paraan. 12 Naisip ni Judas na malaki nga ang maitutulong ng mga kawal na Arabo, kaya't pumayag siyang makipagkaibigan sa mga ito. Pagkatapos ng kanilang kasunduan, nagbalik na ang mga Arabo sa kanilang mga tolda.

13 Ang sumunod na nilusob ni Judas ay ang Caspin, isang lunsod na napapaligiran ng matibay na pader. Ang mga naninirahan dito ay mga Hentil na buhat sa iba't ibang bansa. 14 Palibhasa'y sagana sa pagkain at nananalig sa tibay ng kanilang pader, hindi naligalig ang mga mamamayan doon sa paglusob nina Judas. Pinagtawanan pa nga nila sina Judas at nilait pati ang kanilang Diyos. 15 Ngunit tulad ng dati, tinipon ni Judas ang kanyang mga tauhan at nanalangin sa Diyos na Makapangyarihan sa daigdig, ang Diyos na tumulong kay Josue, kaya kahit wala silang mga kagamitan sa paglusob ay nakuha nila ang Jerico. Pagkatapos, buong tapang at lakas na nilusob nila ang mga kuta. 16 Sa kalooban nga ng Diyos, nakuha nila ang lunsod at sa dami ng kanilang napatay na kaaway, pati ang karatig na lawa na halos isang milya ang luwang ay parang umapaw sa dugo.

Tinalo ni Judas si Timoteo(B)

17 Mula sa Caspin, tinahak nina Judas ang layong siyamnapu't limang milya hanggang sa dumating sila sa Caraca, isang lugar na malapit sa lunsod ng Tob, na ang naninirahan ay mga Judio. 18 Si Timoteo na kanilang hinahanap ay di nila nasumpungan doon, sapagkat nakaalis na ito. Wala naman itong nagawa roon maliban sa pagtatayo ng kuta at mag-iwan doon ng isang malakas na pangkat ng kawal. 19 Dalawang matapang na kapitan ni Judas, sina Dositeo at Sosipatro, ang nangahas lumusob sa kuta na iniwan ni Timoteo. Napatay nila ang buong pangkat ng sampung libong kawal na nagtatanggol doon. 20 Pinagpangkat-pangkat ni Judas ang kanyang hukbo at ipinailalim sa isang pinuno ang bawat pangkat. Nang handa na ang lahat, humayo sila para tugisin si Timoteo at ang hukbo nito na binubuo ng 120,000 sundalo at 2,500 mangangabayo. 21 Nang malaman ni Timoteo na tinutugis siya ni Judas, pinauna na niya ang mga babae at mga bata, pati ang mga dala-dalahan nila, sa Lunsod ng Carnaim, isang dakong napakahirap puntahan at kubkubin dahil sa makikipot na daan. 22 Ngunit siya namang pagdating ng unang pangkat ni Judas at gayon na lamang ang takot ng mga kaaway sapagkat nakita nila ang kapangyarihan ng Diyos na nakakakita ng lahat ng bagay. Nagtakbuhan sila sa lahat ng dako at sa kalituhan, marami sa kanila ang nasaksak ng kanilang kasamahan. 23 Hindi tinigilan ni Judas ang pagtugis, anupa't may 30,000 kaaway ang kanilang napatay. 24 Si Timoteo'y nabihag nina Dositeo at Sosipatro, ngunit sa pamamagitan ng panlilinlang ay nahimok silang siya'y pakawalan. Sinabi niyang hawak niya ang buhay ng maraming kamag-anakan ng mga Judio. 25 Dahil sa pangako niyang hindi sasaktan ang mga ito at pakakawalan agad, pinalaya siya ng dalawa.

Patuloy ang Pagtatagumpay ni Judas(C)

26 Nagpatuloy sa pananalakay sina Judas hanggang sa umabot sila sa Carnaim. Pinasok nila ang templo ng diyosang si Atargatis, at pinatay doon ang may 25,000 katao. 27 Matapos wasakin ang templo at ang lunsod, ang kanyang hukbo'y dinala niya sa Efron, isang lunsod na napapaderan—doon namamayan si Lisias at ang iba pang mga taong buhat sa iba't ibang bansa. Mula sa pader ay buong giting na lumaban ang mga kabataang matipuno. Sa loob ng pader ay naroon ang maraming kagamitang pandigma. 28 Ang mga Judio nama'y nanalangin sa Panginoon na nagbabagsak ng kapangyarihan ng kanyang mga kaaway, at sa tulong niya'y nakuha nila ang lunsod, matapos mapatay ang 25,000 mamamayan doon. 29 Iniwan nila ang lugar na iyon at nagpatuloy sa kanilang pananalakay. Sinapit nila ang Beth-san, na pitumpu't limang milya ang layo sa hilaga ng Jerusalem. 30 Sasalakayin na sana ito ngunit sila'y sinaway ng mga Judiong naninirahan doon. Pinatotohanan ng mga ito ang mabuting pakikitungo sa kanila ng mga tagaroon, maging sa panahon ng kahirapan. 31 Sa halip na salakayin, pinasalamatan nina Judas ang mga tagaroon at pinakiusapang ipagpatuloy ang gayong mabuting pakikisama sa kanilang lahi. Mula roo'y nagpatuloy na sila sa Jerusalem, at dumating doon bago ipinagdiwang ang Pista ng mga Sanlinggo.

Tinalo ni Judas si Gorgias

32 Matapos(D) ipagdiwang ang Pentecostes, lumabas sina Judas at nilusob si Gorgias, ang gobernador ng Edom. 33 Sinalubong sila nito na may kasamang hukbo na binubuo ng 3,000 sundalo at 400 mangangabayo. 34 Sa labanang ito, may ilang Judio ang nasawi. 35 Isang ubod ng lakas na mangangabayong Judio na tauhan ni Bacenor[a] na nagngangalang Dositeo ang nakahagip kay Gorgias. Hinawakan niya ito sa uniporme at kinaladkad, sapagkat gusto niyang mahuli nang buháy. Walang anu-ano'y isang mangangabayong taga-Tracia ang mabilis na tinagpas ang balikat ni Dositeo, kaya't nakatakas si Gorgias at nagtago sa Maresa.

36 Ang mga tauhan ni Esdrin ay pagod na pagod na sa paglaban, kaya't si Judas ay nanalangin sa Diyos at hiniling na ipakilala niyang siya ay tumutulong sa kanila at siyang nangunguna sa kanila sa labanan. 37 Umawit sila ng mga awit-pandigma at mga himno sa wika ng kanilang mga ninuno bilang hudyat sa paglaban, at pagkatapos ay bigla nilang sinalakay ang hindi nakahandang mga kawal ni Gorgias, kaya't nagtakbuhan ang mga iyon.

Pagtubos sa Kasalanan ng mga Namatay

38 Matapos ito, dinala ni Judas ang kanyang hukbo sa lunsod ng Adulam. Malapit na ang Araw ng Pamamahinga kaya't ayon sa kaugalia'y naglinis sila ng sarili, at ipinangilin ang araw na ito. 39 Kinabukasan, kinailangang tipunin na nila agad ang bangkay ng mga nasawi sa labanan at ilibing ang mga ito sa libingan ng kanilang mga ninuno. 40 Samantalang(E) tinitipon nila ang mga bangkay, napuna nila na sa ilalim ng panloob na kasuotan ng bawat bangkay ay may nakasabit na mga medalyang larawan ng mga diyus-diyosan sa Jamnia. Sa batas ng mga Judio, mahigpit na ipinagbabawal ang pagsusuot nito. Napag-isip-isip nilang ito ang dahilan kung bakit namatay ang mga taong ito. 41 Kaya't pinuri nila ang Panginoon, ang makatarungang hukom na nagsisiwalat ng mga lihim. 42 Idinalangin nilang sana'y patawarin ang ganitong pagkakasala. Sa ganitong nasaksihan, ang magiting na si Judas ay nagbabala sa kanyang mga kababayan na umiwas sa paggawa ng kasalanan, sapagkat nakita na nila ang nangyari sa mga kababayang nagkasala. 43 Nagpalikom siya ng mga kaloob na umabot sa halagang apat na librang pilak at ipinadala ito sa Jerusalem upang ihandog na pantubos sa kasalanan. Ginawa ito ni Judas sapagkat naniniwala siya sa muling pagkabuhay ng mga patay. 44 Kung hindi siya umaasa na ang mga patay ay muling mabubuhay, magiging kahangalan lamang ang ipanalangin pa ang mga namatay na. 45 Dahil buo ang kanyang paniniwala na ang lahat ng namamatay na nanatiling maka-Diyos ay tatanggap ng dakilang gantimpala, ginawa niya ang paghahandog na iyon upang ang pagkakasala ng mga namatay na ito ay patawarin.

Read full chapter

Footnotes

  1. 35 tauhan ni Bacenor: Sa ibang manuskrito'y mula sa bayan ng Tob .