Add parallel Print Page Options

Pinaligiran ng Pader ang mga Lunsod

Sa Jerusalem tumira si Rehoboam at pinalagyan niya ng mga pader ang mga lunsod na ito sa Juda at Benjamin: 6-10 Bethlehem, Etam, Tekoa, Beth-sur, Soco, Adullam, Gat, Maresa, Zif, Adoraim, Laquis, Azeka, Zora, Aijalon, at Hebron. 11 Pinatibay niya ang kuta ng mga ito, nilagyan ng kani-kanilang pinuno at mga imbakan ng pagkain, langis at alak. 12 Naglagay rin siya ng mga sibat at mga panangga sa mga nasabing lunsod. Pinatibay niyang mabuti ang mga lunsod na ito. Sa ganitong paraan, napanatili niya sa ilalim ng kanyang kapangyarihan ang Juda at Benjamin.

Pumunta sa Juda ang mga Pari at Levita

13 Nagdatingan ang mga pari at ang mga Levita mula sa lahat ng panig ng Israel upang maglingkod kay Rehoboam. 14 Iniwan nila ang kanilang mga pastulan at mga ari-arian upang manirahan sa Juda at sa Jerusalem sapagkat inalis sila ni Jeroboam at ng mga anak nito bilang mga pari ni Yahweh. 15 Sa(A) halip, naglagay si Jeroboam ng kanyang mga sariling pari para sa mga sagradong burol, sa mga satiro at sa mga rebultong guya na ipinagawa niya. 16 Subalit mula sa lahat ng lipi, may mga tapat na lingkod si Yahweh, ang Diyos ng Israel. Sila ay sumunod sa mga pari at mga Levitang pumupunta sa Jerusalem upang maghandog kay Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno. 17 Dahil dito, pinatatag nila ang kaharian ng Juda at pinatibay ang kapangyarihan ni Rehoboam na anak ni Solomon sa loob ng tatlong taon, sapagkat sumusunod sila sa magagandang halimbawa ni David at ni Solomon.

Ang Sambahayan ni Rehoboam

18 Napangasawa ni Rehoboam si Mahalat na anak ni Jerimot at ni Abihail. Anak ni David si Jerimot at si Abihail naman ay anak ni Eliab na anak ni Jesse. 19 Sina Jeus, Semarias at Zaham ang mga anak na lalaki ni Rehoboam kay Mahalat. 20 Napangasawa rin ni Rehoboam si Maaca na anak ni Absalom at ang mga anak nila'y sina Abias, Atai, Ziza at Selomit. 21 Mahal na mahal ni Rehoboam si Maaca na anak ni Absalom higit sa iba niyang mga asawa at asawang-lingkod. Labingwalo ang asawa niya at animnapu ang kanyang asawang-lingkod. Dalawampu't walo ang naging anak niyang lalaki at animnapu naman ang mga babae. 22 Sapagkat gusto ni Rehoboam na si Abias ang maging hari pagkamatay niya, inilagay niya itong pinuno at pangunahin sa kanyang mga kapatid. 23 Ipinadala ni Rehoboam ang kanyang mga anak na lalaki sa iba't ibang lugar sa lupain ng Juda at Benjamin, sa mga lunsod na napapaligiran ng pader. Binigyan niya sila ng lahat nilang kailangan at inihanap ng mga asawa.

Nilusob ng Egipto ang Juda(B)

12 Nang maging matatag na ang paghahari ni Rehoboam, tinalikuran niya at ng buong Israel ang Kautusan ni Yahweh. Subalit nang ikalimang taon ng paghahari ni Rehoboam, sapagkat hindi sila naging tapat kay Yahweh, sinalakay ni Shishak, hari ng Egipto, ang Jerusalem. Ang hukbo ni Shishak ay binubuo ng 1,200 karwahe, 60,000 mangangabayo at di mabilang na mga tauhan pati mga taga-Libya, taga-Sukuim at taga-Etiopia. Nakuha niya ang mga may pader na lunsod ng Juda at nakaabot siya hanggang Jerusalem.

Dahil sa pananalakay ni Shishak, ang mga pinuno ng Israel ay nagtipon sa Jerusalem kasama ni Rehoboam. Dumating naman ang propetang si Semaias at sinabi sa kanila: “Ganito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Pinabayaan ninyo ako, kaya pinabayaan ko rin kayong mahulog sa kamay ni Shishak.’”

Pagkarinig niyon, nagpakumbaba ang hari at ang mga pinuno ng Israel at sinabi nila: “Makatarungan si Yahweh.”

Nakita ni Yahweh ang kanilang pagpapakumbaba, kaya sinabi niya kay Semaias: “Nagpakumbaba na sila, kaya hindi ko na sila lilipulin. Ililigtas ko sila sa lubos na kapahamakan at hindi ko na ibubuhos ang aking galit sa Jerusalem sa pamamagitan ni Shishak. Gayunman, sila'y masasakop nito upang malaman nila kung alin ang higit na mabuti: ang maglingkod sa akin o ang maglingkod sa mga hari sa lupa.”

Sinalakay(C) ni Haring Shishak ng Egipto ang Lunsod ng Jerusalem at sinamsam ang mga kayamanan sa Templo ni Yahweh at sa palasyo ng hari. Kinuha niya ang lahat, pati ang mga gintong kalasag na ipinagawa ni Solomon. 10 Pinapalitan ni Rehoboam ang mga iyon ng kalasag na tanso. Pinaingatan niya ang nasabing mga panangga sa pinuno ng mga bantay ng palasyo. 11 Tuwing pupunta sa Templo ang hari, inilalabas nila ang mga kalasag at pagkatapos ay ipinababalik sa silid ng mga bantay. 12 Sapagkat nagpakumbaba si Rehoboam, hindi ganap na ibinuhos ng Diyos ang galit nito sa kanya. Hindi sila nalipol nang tuluyan at naging matiwasay na ang kalagayan ng Juda.

Ang Buod ng Kasaysayan ng Paghahari ni Rehoboam

13 Naging matatag ang paghahari ni Rehoboam sa Jerusalem. Apatnapu't isang taóng gulang siya nang magsimulang maghari at labimpitong taon siyang naghari sa Jerusalem, ang lunsod na pinili ni Yahweh sa lahat ng lipi ng Israel upang doon siya sambahin. Ang kanyang ina ay si Naama, na isang Ammonita. 14 Naging masama siya sapagkat hindi niya sinunod ang kalooban ni Yahweh.

15 Ang mga ginawa ni Rehoboam buhat sa simula hanggang sa wakas, ay nakasulat sa Kasaysayan ng propetang si Semaias at sa Kasaysayan ng propetang si Iddo. Patuloy ang digmaan nina Jeroboam at Rehoboam sa buong panahon ng paghahari nila.