Add parallel Print Page Options

Ang mga Unang Pagtatagumpay ni Judas(A)

Pagkamatay ni Matatias, ang pumalit sa kanya bilang pinuno ay ang anak niyang si Judas na tinatawag ding Macabeo. Lahat ng kanyang kasama ay nagkaisa sa pagkapili sa kanya. Dahil dito, masigla silang nakikipaglaban alang-alang sa Israel.

Ipinakilala niyang may dangal ang kanyang bayan.
Tulad niya'y higante sa kanyang kasuotang bakal.
Suot niya ay pandigma sa kanyang pakikilaban,
    sa tabak na kanyang hawak, hukbo niya'y pinangunahan.
Mabangis na leon ang kanyang nakakawangis, siya'y parang batang leon sa kanyang paninibasib.
Masasamang tao'y kanyang hinahanap at tinutugis;
    parusa niya ay sunugin ang sa baya'y nang-aapi.
Masasamang tao sa kanya'y pawang may takot,
    ang mga masasama, sa kanya'y di makakilos.
Ang kaligtasang hatid niya sa lahat ay nakaabot, at lumaganap itong tunay sa lahat ng mga pook.
Mga hari'y nagngingitngit dahil sa kanyang paglaban,
    ngunit sambahayan ni Jacob sa tagumpay niya ay nasiyahan.
Alaala niyang dakila'y pinupuri kailanman; lagi siyang ikinararangal at hindi malilimutan.
Sa mga lunsod ng Juda
    kalaba'y kanyang pinuksa,
Israel ay hinango niya at sa dusa'y pinalaya.[a]
Sa lahat ng lugar ang pangalan niya'y dakila,
    ang mga pinagbabantaang patayin ay kanyang kinakalinga.

10 Sa ganitong kalagayan, bumuo si Apolonio ng isang malakas na hukbo. Tinipon niya ang mga Hentil, at mula sa Samaria, lumabas sila upang salakayin ang Israel. 11 Nang malaman ito ni Judas, nilusob niya at pinatay si Apolonio; nagapi niya ang hukbo nito. Marami ang napatay sa kanyang mga kaaway at ang mga walang sugat ay tumakas. 12 Marami silang nasamsam sa kaaway. Pati na ang espada ni Apolonio ay nakuha rin, at mula noon, ito na ang ginamit ni Judas Macabeo sa pakikipagdigma hanggang sa araw ng kanyang kamatayan.

13 Nabalitaan ni Seron, isa ring puno ng hukbo ng Siria na si Judas ay marami nang tapat na kawal. 14 Kaya't sinabi niya, “Pasisikatin ko ang aking pangalan at ang kaharian. Lulupigin ko si Judas at ang mga tauhan nitong sumusuway sa hari.” 15 Isang malakas na pangkat ng mga pagano ang sumanib upang tulungan siyang gumanti sa mga Israelita. 16 Nang sila'y umaahon na sa Beth-horon, lumabas si Judas kasama ang ilang tauhan. 17 Nang makita ng mga tauhan ni Judas na napakalaki ng hukbong kanilang haharapin, sinabi nila, “Anong magagawa natin sa dami ng ating kalaban? Iilan na tayo'y mahina pa ang ating katawan sapagkat hindi pa tayo kumakain sa araw na ito.”

18 “Huwag kayong mag-alala,” tugon ni Judas. “Madaling talunin ng iilan ang marami. Ang pagliligtas ng Diyos ay hindi nababatay sa dami. 19 Ang tagumpay sa labanan ay hindi nasasalig sa laki ng hukbo, kundi sa lakas na nanggagaling sa langit. 20 Iba ang layunin nila ng paglaban. Ang taglay nila'y dahas at pagmamataas sa hangad na lipulin ang ating mga asawa't anak. 21 Ang ipagtatanggol naman nati'y ang ating buhay at ang ating kautusan. 22 Huwag kayong matakot. Tutulungan tayo ng Diyos sa paglupig sa kanila.”

23 At nilusob nila si Seron at ang hukbo nito. Nalito ang mga ito at nagsitakas. 24 Hinabol sila nina Judas pababa sa Beth-horon hanggang sa kapatagan. Walong daan ang napatay sa mga kaaway; ang iba'y tumakas patungo sa lupain ng mga Filisteo. 25 Bunga ng tagumpay na ito, si Judas at ang kanyang mga kapatid ay kinatakutan ng mga Hentil mula noon. 26 Nakaabot sa kaalaman ng hari ang pangyayaring ito at wala nang bukambibig ang mga Hentil kundi ang kahusayan ni Judas sa pakikipaglaban.

Read full chapter

Footnotes

  1. 8 Israel…pinalaya: o kaya'y Israel ay iniligtas niya sa poot ng Diyos .