Add parallel Print Page Options

Patungkol sa Pagkakampi-kampi sa Iglesiya

Mga kapatid, hindi ako nakapagsalita sa inyo na tulad sa mga taong espirituwal, subalit tulad sa mga taong namumuhay ayon sa laman, tulad sa mga sanggol kay Cristo.

Pinainom ko kayo ng gatas sa halip na matigas na pagkain sapagkat hindi pa ninyo kaya ang matigas na pagkain at maging sa ngayon nga ay hindi pa ninyo kaya. Ito ay sapagkat kayo ay nasa laman pa rin dahil mayroon pa rin kayong mga inggitan, paglalaban-laban at pagkakabaha-bahagi. Hindi ba kayo ay namumuhay pa sa laman, at namumuhay bilang mga tao? Ito ay sapagkat may nagsasabi: Ako ay kay Pablo. Ang iba ay nagsasabi: Ako ay kay Apollos. Hindi ba ito ang nagpapakitang kayo ay namumuhay pa ayon sa laman?

Sino nga si Pablo at sino si Apollos? Hindi ba kami ay mga tagapaglingkod, na sa pamamagitan namin kayo ay sumam­palataya kung paanong ibinigay ng Diyos sa bawat isa sa amin ang mga gawaing ito? Ako ang nagtanim, si Apollos ang nagdilig ngunit ang Diyos ang nagpalago. Kaya nga, siya na nagtanim at maging siya na nagdilig ay hindi mahalaga, kundi ang Diyos na nagpalago. Ang nagtanim at ang nagdilig ay iisa. Gayunman, tatanggapin ng bawat isa ang kani-kaniyang gantimpala ayon sa kaniyang pagpapagal. Ito ay sapagkat kami ay kamanggagawa ng Diyos, kayo ang taniman ng Diyos, kayo ang gusali ng Diyos.

10 Ayon sa biyaya ng Diyos na ipinagkaloob sa akin, inilagay ko ang saligan. Inilagay ko ito tulad ng isang marunong na punong-tagapagtayo at may ibang nagtatayo roon. Subalit mag-ingat ang bawat isa kung papaano siya magtatayo roon. 11 Ito ay sapagkat wala nang ibang saligang mailalagay ang sinuman maliban doon sa nakalagay na. Siya ay si Jesus na Cristo. 12 Ngunit, ang isang tao ay maaaring magtayo sa saligang ito ng ginto, pilak, mga mamahaling bato, kahoy, damo o dayami. 13 Ang gawa ng bawat tao ay mahahayag sapagkat may araw na ihahayag ito sa pamamagitan ng apoy. Ang gawa ng bawat isa, anumang uri ito ay susubukin ng apoy. 14 Kung ang gawa na itinayo ng sinuman sa saligang ito ay nanatili, tatanggap siya ng gantimpala. 15 Kung ang gawa ng sinuman ay masunog, malulugi siya. Gayunman, maliligtas siya ngunit tulad ng dumaan sa apoy.

16 Hindi ba ninyo alam na kayo ang banal na dako ng Diyos at ang Espiritu ng Diyos ay nananahan sa inyo? 17 Ang sinumang wawasak sa banal na dako ng Diyos ay wawasakin din ng Diyos sapagkat ang dakong banal ng Diyos ay banal at kayo ang dakong iyon.

18 Huwag ninyong dayain ang inyong sarili. Kung ang sinuman sa inyo ay nag-iisip na siya ay marunong sa kapana­hunang ito, dapat siyang maging mangmang upang siya ay maging marunong. 19 Ito ay sapagkat ang karunungan ng sanlibutang ito ay kamangmangan sa Diyos dahil nasusulat:

Hinuhuli niya ang marunong sa kanilang katusuhan.

20 Gayundin:

Nalalaman ng Panginoon na walang kabuluhan ang kaisipan ng marurunong.

21 Kaya nga, huwag magmalaki ang sinuman sa mga tao sapagkat ang lahat ng bagay ay sa inyo. 22 Maging si Pablo, o si Apollos, o si Cefas, o sanlibutan, o buhay, o kamatayan, o mga kasalukuyang bagay o mga bagay na darating na, lahat ay sa inyo. 23 Kayo ay kay Cristo at si Cristo ay sa Diyos.

Mga Kamanggagawa para sa Diyos

Ngunit ako, mga kapatid, ay hindi makapagsalita sa inyo na tulad sa mga taong espirituwal, kundi tulad sa mga taong namumuhay ayon sa laman, tulad sa mga sanggol kay Cristo. Pinainom ko kayo ng gatas at hindi ng pagkain para sa nasa hustong gulang, sapagkat hindi pa ninyo ito kaya. Hanggang ngayon nga ay hindi pa ninyo kaya, sapagkat kayo ay namumuhay pa ayon sa laman. Sapagkat habang sa inyo'y may mga pagseselos at mga pag-aaway, hindi ba kayo'y namumuhay ayon sa laman at lumalakad ayon sa kaugalian ng tao? Sapagkat kapag may nagsasabi, “kay Pablo ako,” at ang isa naman, “kay Apolos ako,” hindi ba asal ng mga tao iyan? Sino nga ba si Apolos? At sino si Pablo? Mga lingkod na kinasangkapan upang sumampalataya kayo, ayon sa itinakda ng Panginoon sa bawat isa. Ako ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig, ngunit ang Diyos ang nagpapalago. Kaya't hindi ang nagtatanim o ang nagdidilig ang mahalaga, kundi ang Diyos na nagpapalago. Ang nagtatanim at ang nagdidilig ay may iisang layunin, at ang bawat isa ay tatanggap ng kabayaran ayon sa kanyang pinagpaguran. Sapagkat kami ay mga kamanggagawa ng Diyos, at kayo ang bukid ng Diyos, at ang gusali ng Diyos.

10 Ayon sa biyaya ng Diyos na ibinigay sa akin, na tulad sa isang mahusay na punong-tagapagtayo, naglagay ako ng saligan, at iba ang nagtatayo sa ibabaw nito. Ang bawat isa ay mag-ingat sa kanyang pagtatayo. 11 Sapagkat walang maaaring maglagay ng ibang saligan, maliban sa nakalagay na, at ito ay si Jesu-Cristo. 12 At kung sa ibabaw ng saligang ito, ay may magtatayo ng gusali na yari sa ginto, pilak, mamahaling bato, kahoy, dayami, at pinaggapasan, 13 ang gawa ng bawat nagtayo ay mahahayag, sapagkat ibubunyag ito sa takdang araw. Ito ay mahahayag sa pamamagitan ng apoy, at ang apoy ang magpapatunay kung anong uri ng gawain ang ginawa ng bawat isa. 14 Kung ang gawang itinayo ng sinuman sa ibabaw ng saligan ay manatili, tatanggap siya ng gantimpala. 15 Kung ang gawa ng sinumang tao ay masunog, makararanas siya ng pagkalugi, bagaman siya ay maliligtas, ngunit tulad sa dumaan sa apoy. 16 Hindi ba ninyo nalalaman na kayo ay templo ng Diyos, at ang Espiritu ng Diyos ay naninirahan sa inyo? 17 Kung sinisira ng sinuman ang templo ng Diyos, ang taong iyon ay sisirain din ng Diyos, sapagkat ang templo ng Diyos ay banal, at kayo nga iyon.

18 Huwag dayain ng sinuman ang kanyang sarili. Kung ang sinuman sa inyo ay nag-aakalang siya ay marunong sa kapanahunang ito, dapat siyang magpakahangal, upang siya ay maging marunong. 19 Sapagkat ang karunungan ng sanlibutang ito ay kahangalan sa paningin ng Diyos. Sapagkat nasusulat, “Binibitag niya ang marurunong sa kanilang katusuhan.” 20 At muli, “Nalalaman ng Panginoon na ang pag-iisip ng marurunong ay walang kabuluhan.” 21 Kaya't hindi dapat ipagmalaki ng sinuman ang mga tao. Sapagkat ang lahat ng bagay ay sa inyo. 22 Kahit si Pablo, o si Apolos, o si Pedro,[a] o ang sanlibutan, o ang buhay, o ang kamatayan, o ang mga bagay na kasalukuyan, o ang bagay sa hinaharap, lahat ng ito ay sa inyo, 23 at kayo'y kay Cristo, at si Cristo ay sa Diyos.

Footnotes

  1. 1 Corinto 3:22 Pedro: sa tekstong Griyego, Cefas, na ang kahulugan ay bato.